MANILA, Philippines - Bagama’t inaasa-hang magiging underdog sa kanilang upakan, kumpiyansa si Mexican challenger Jorge Arce na mapapabagsak niya si unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
“It is true Donaire hits hard, but I plan to keep pressure on him and make him submit, and I’m sure that I will knock him out,” sabi ng 33-anyos na si Arce sa 29-anyos na si Donaire.
Nakatakdang magkita sa isang news conference sina Donaire, kampeon ng World Boxing Organization at International Boxing Federation, at Arce bukas (Manila time) sa Toyota Center sa Houston, Texas kung saan sila maglalaban sa Disyembre 15.
Dadalo din sa event sina Hall of Fame promo-ter Bob Arum, ang Mexican promoter ni Arce na si Fernando Beltran at ang manager ni Donaire na si Cameron Dunkin.
Tanging ang kanyang suot na WBO super bantamweight belt lamang ang itataya ng 29-anyos na si Donaire kontra sa 33-anyos na si Arce.
Nakamit ng world four-division champion na si Donaire (30-1-0, 19 KOs) ang WBO 122-pound crown via split decision win laban kay Wilfredo Vazquez Jr. noong Pebrero bago inagawan ng IBF title si Jeffrey Mathebula noong Hulyo.
Huling biniktima ni Donaire si Japanese superstar Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka via ninth-round TKO noong Oktubre.