SAN ANTONIO -- Isinalpak ni Tony Parker ang isang buzzer-beating jumper kasunod ang kanyang pagdiriwang.
Naiwan naman si Kevin Durant sa ilalim ng basket at hindi makapaniwala sa nangyari.
Ikinonekta ni Parker ang isang 21-footer sa pagtunog ng final buzzer para ilusot ang San Antonio Spurs kontra sa Oklahoma City Thunder, 86-84, sa rematch ng nakaraang Western Conference finals.
Hinabol siya at tinangkang supalpalin ni Serge Ibaka, ang NBA leading shot-blocker sa nakaraang season, ngunit nasalpak ni Parker ang kanyang jumper.
“I was like, I have to shoot fast,” wika ni Parker sa kanyang pag-iwas sa mga galamay ng 6-foot-10 na si Ibaka. “He was coming very fast.”
Naglista naman si Tim Duncan ng 20 points at 8 rebounds para sa Spurs, habang tumapos si Parker na may 16 points at 11 assists.
Ang tres ni Parker sa huling 28.4 segundo ang nagtabla sa laro sa 84-84.
Nagposte si Kevin Durant ng 23 points at 14 rebounds para sa Oklahoma City, habang may 18 points si Russell Westbrook.
Ang turnover ni Westbrook sa kanilang posesyon sa natitirang 5.9 segundo ang nagbigay ng tsansa kay Parker at sa Spurs.
“We lost him. We didn’t get him in time, but he still made a tough shot over Serge,’’ ani Thunder coach Scott Brooks kay Parker. “It’s not an easy hand to shoot over.’’
Matapos pakawalan si James Harden sa Houston, natikman naman ng Oklahoma City ang kanilang unang kabiguan.
Sinimulan ni Durant ang kanyang pang anim na NBA season bilang ikalawang pinakabatang player matapos si LeBron James ng Miami Heat na nakaiskor ng 10,000 career points.