MANILA, Philippines - Kaninong winning streak ang patuloy na mabubuhay sa Araw ng mga Patay?
Iyan ang malalaman sa paghaharap ng dalawang kasalukuyang pinakamainit na koponang Talk ‘N Text at Alaska sa All Souls Day na paghahandog ngayon ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Makakaharap ng two-time defending champion at nag-iisang koponan na lamang na walang talo sa conference na Tropang Texters ang Aces sa alas-7:30 ng gabi matapos ang pambungad na laban ng Petron Blaze at Air21 sa alas-5:15 ng hapon.
Walang bahid na 6-0 ang conference-leading na panalo-talo karta ng Talk ‘N Text na hangad ding tablahin ang kanilang all-time best na simula sa isang conference o season na kanilang naitala sa 1999 All-Filipino Cup nang kilala pa bilang Mobiline.
Nasa isang four-way tie naman ang Alaska sa pangalawang puwesto kasama ng San Mig Coffee, Rain or Shine at Meralco sa kanilang pare-parehong 4-2 records.
Pero ang Aces ang pangalawang pinakamainit na koponan matapos ang TNT mula sa kasalukuyan nilang four-game winning streak matapos ng isang 0-2 simula sa torneo.
Ito na ang pinakamahabang win streak ng Alaska sa post-Time Cone era at mula nang winalis nila ang Barangay Ginebra sa kanilang 2009-10 Philippine Cup best-of-7 semifinal series.
Pero hindi raw gaanong pinag-iisipan ni TNT head coach Norman Black ang tungkol sa kahit na anong win streak.
“I’m not really thinking about it. I’m aware we’re 6-0. So the next goal is just to make it 7-0,” pahayag ni Black, ang beteranong coach sa PBA at UAAP.
“From my experience, the easiest route to championship is the best route. I mean, if you’re sitting on any of the top spots, things are easier for you – you play less games and just try to keep the players healthy and fresh. It’s just trying to win as many games as possible so later on it’s easier to reach your goal,” paliwanag pa nito.
Para naman kay Alaska head coach Luigi Trillo, masusubukan nang husto ang Aces laban sa isang koponang malakas na pero lalo pang lumakas dahil sa depensa nito.
“What worries me is that this (TNT) team knows each other so well. People don’t realize how good they are also defensively. Norman’s teams play defense. They are not just a drive and kick team anymore. They have multiple plays which look for the mismatch,” paliwanag ni Trillo, na nasa kanyang pangalawang conference pa lamang sa koponan pero nabigyan na niya ito ng pinakamahabang win streak at pinakamaraming panalo sa isang conference mula nang nawala si Cone.
Pero makakaharap ng Aces ang tanging koponang hindi pa nila tinatalo sa loob ng nakaraang dalawang seasons.
“Good. More motivation to beat them,” wika pa ni Trillo.
Mula nang tinalo ng Alaska ang Talk ‘N Text 4-3 sa kanilang best-of-seven semifinals series – bagamat nadehado sa serye, 2-3 -- patungo sa pagpanalo ng 2010 Fiesta Conference sa piling ni import Diamon Simpson bilang import ay natalo ang Aces sa kanilang huling pitong paghaharap kontra sa Tropang Texters sa anim na conferences.