MANILA, Philippines - Gusto muna ni chief trainer Freddie Roach na makapagpapawis si Manny Pacquiao bago simulan ang kanilang sparring session.
Binuksan kahapon nina Pacquiao at Roach ang kanilang training camp sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Nagbabad si Pacquiao sa shadow boxing, skipping rope, punch mitts, speed ball at heavy bag.
Bago ito ay ipinag-utos muna ni Roach ang pagpapasara ng kanyang Wild Card Gym sa mga fans ng Filipino boxing superstar.
Pinahigpit din ang seguridad laban sa mga gustong kumuha ng litrato ni Pacquiao habang nag-eensayo.
Determinado si Roach na ibalik si Pacquiao sa dati nitong porma noong 25-anyos pa lamang ang Filipino world eight-division champion at taglay ang bilis at lakas.
Ayon kay Roach, magbabalik ang paghanga ng mga fans at boxing experts kay ‘Pacman’ kung mapapabagsak nito si Juan Manuel Marquez sa kanilang pang apat na paghaharap sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kanyang pagsabak sa sparring session ay makakasabayan ng Sarangani Congressman sina American Ray Beltran, Russian boxer Ruslan Provodnikov at welterweight Frankie Gomez.
Dalawang linggong nagpakondisyon si Pacquiao sa kanyang boxing gym sa General Santos City katulong si Filipino assistant trainer Buboy Fernandez bago bumiyahe sa United States noong Sabado.
Magtutuos sina Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) at Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa isang non-title welterweight fight.
Nakataya naman sa mananalo sa Pacquiao-Marquez IV ang isang espesyal na WBO ‘Champion of the Decade’ championship belt.