Jumbo Plastic balak sumosyo

MANILA, Philippines - Patatatagin pa ng Jumbo Plastic ang kapit sa itaas ng standings sa pagharap sa palaban ding Cagayan Valley sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

May 5-1 karta ang nanggugulat na Giants at kung maipapanalo ang larong itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon, sasaluhan nila sa pangalawang puwesto ang pahingang Big Chill.

Huling laro ng Giants ay noon pang Nobyembre 28 at  kanilang dinurog ang Wang’s Basketball, 75-59.

Ang mahabang bakasyon ang inaalala ni coach Stevenson Tiu dahil baka makaapekto ito sa kanyang mga manlalaro.

“We had tune-up games and hopefully it’s enough to keep us in game shape,” wika ni Tiu.

Sina Jason Ballesteros, Jan Colina, Elliot Tan at Mark Romero ang mga magdadala sa Giants para pigilan ang pagsisikap ng Rising Suns na kunin ang ikalawang sunod na panalo at iangat ang kasalukuyang 6-2 baraha.

Sina Adrian Celada, Mark Bringas, Don Trollano at John Pinto ang mga magdadala para sa Rising Suns.

Ang Café France at Zambales M-Builders ang magkikita sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon na kapwa na-ngangailangan na manalo para maging palaban pa sa puwesto sa playoff.

May 4-3 karta ang Bakers at galing sila sa 74-69 panalo sa NU-Banco de Oro habang ang M-Builders ay hiniya ng Hog’s Breath Café, 54-83.

Samantala, sinuspindi naman ni PBA commissioner Chito Salud si Ola Adeogun ng NLEX matapos tawagan ng flagrant foul penalty 2 sa panalo ng Road Warriors laban sa Big Chill, 97-88 noong Disyembre 2.

Pinagbabayad din ang manlalaro ng P5,000.00 matapos ang ‘headbutt’ na ginawa kay Dexter Maiquez sa ikatlong yugto.

Ang Road Warriors ay sasabak sa aksyon sa Enero 7 laban sa Wang’s Basketball at dito hindi makakasama ng koponan si Adeogun.

 

Show comments