Umpisa na ang laban ng Phl cagers ngayon

MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng Pilipinas ang kampanya para sa gintong medalya sa men’s at women’s basketball sa South East Asian Games na gagawin sa Zayar Thiri  Indoor Stadium sa Nay Pyi Taw, Myanmar.

Sa ganap na ika-2 ng hapon (3:30 p.m. sa Pilipinas) ay sasalang  ang tropa ni coach Jong Uichico laban sa Singapore at hanap nila ang magarang pagbukas sa kampanya para sa ika-16 na gintong medalya sa SEA Games.

Isang beses pa lamang naisuko ng Pilipinas ang gintong medalya sa number one sport sa bansa na nangyari noong 1989 sa Malaysia.

Naunang pinangambahan ang Singapore na siyang makakaribal ng Pilipinas sa kompetisyon matapos ang magandang resulta sa isinagawang tune-up games sa bansa at sa China.

Pero naalis ang anumang mataas na ekspektasyon sa Singaporean team matapos ang 59-69 pagkatalo sa Thailand sa pagbubukas ng kompetisyon kahapon.

Si naturalized 6’10” Marcus Douthit ang puwersa sa ilalim habang ang opensa ay manggagaling kina Garvo Lanete, Kevin Alas, Matt Ganuelas, Ronald Pascual, Kiefer Ravena at Ray Ray Parks Jr.

Mabigat na laban naman ang sasagupain ng women’s team dahil ang Malaysia ang siya nilang katunggali sa unang laro sa apat na koponang makakaharap sa ganap na ika-10 ng umaga (12 ng tanghali sa bansa).

Natalo ang Perlas sa Malaysia sa FIBA-Asia Championships for Women na ginawa sa Bangkok, Thailand pero nagpalakas ang koponan ni coach Haydee Ong nang kunin sina UAAP MVP  Camille Sambile at shooting guard Angeli Gloriani.

Mahalaga ang bawat laro sa basketball dahil ang mangungunang koponan matapos ang single-round robin ang hihiranging kampeon ng torneo.

 

Show comments