Paano ‘di magwaldas ngayong pasko?

Narito ang mga pupuweding gawin upang hindi magwaldas ngayong darating na pasko.

MANILA, Philippines — Ang bawat isa sa atin ay umaasa na magkaroon ng Maliga­yang Pasko at Manigong Bagong Taon sa bawat miyembro ng ating pamilya.

Kaya ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ay malaking bagay sa bawat isang Pilipino.

Nag-iisip tayo ng ano mang mailalagay nating palamuti sa ating mga ta­hanan na nagpapakita na ang Pasko ay sasapit na.

Maging sa mga pagkain na dapat ay ihanda sa ating hapag kainan ay iniisip natin hanggang sa mga regalo sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan, kamag-anak lalo na sa mga inaanak.

Ang Magsasakang Reporter po ay magbibigay ng ilang tips na maaari ninyong gawin upang hindi gaanong lumaki ang gastusin sa panahong ito at upang hindi mabaon sa utang pagkatapos ng Pasko.

Una, dapat ay matagal pa bago sumapit ang Pasko at Bagong Taon ay nag-iipon na para sa nasabing okasyon. Importante ang pag-iipon para paghandaan ang mga inaasahang dara­ting na gastusin. Mahalaga rin na magkaroon ng tamang pagba-budget at magtakda ng ilalaan na halaga sa bawat regalo at paghahanda. Hindi kailangan magbigay ng mamahaling regalo kung sa dulo naman ay baon sa utang ang kahahantungan mo.

Huwag kalimutan ang mga bayarin, Pasko man at maraming sale, huwag dapat kalimutan ang mga dapat bayaran. Magtabi na ng pera para sa renta, kuryente, tubig, pagkain, at iba pang naunang utang. Kailangang siguraduhin na hindi mapapabayaan ang mga ito dahil kung hindi ay mas malaki ang kapalit na sakit sa ulo.

Huwag umasa sa mga overdraft. Ang overdraft ay ang pagpayag ng mga bangko na ikaw ay kumuha ng pera kahit pa lagpas ka na sa iyong credit limit. Ibig sabihin, ikaw ay pinapahiram ng pera ng higit pa sa meron ka. Huwag umasa sa mga ito at kausapin ang iyong bangko kapag alam na malapit mo nang maabot ang credit limit. Kung mapabayaan ito, mas malaki ang magiging gastos mo. Kung kayang bayaran ang mga bagay gamit ang pera, cheque, o debit card, piliing gamitin ang mga ito.

Mas makakabuti na gastusin ang perang ito na kaysa gumamit ng credit cards nang hindi pa sigurado ang maipapangbayad. Ang panahon lamang na siguradong hindi problema ang paggamit ng credit cards ay kapag may sapat kang pera para bayaran ito at masmura mong makukuha ang bilihin sa paraan na ito.

Kapag nakita ang isang bagay na nais mong bilhin, makakabuti kung mag-ikot pa para tumingin kung may katulad nito sa ibang lugar.

Kadalasan, mayroong mahahanap na katulad nito sa mas murang halaga. Tumi­ngin at sumubok sa maraming tindahan hangga’t maaari at bilhin kung ano ang gusto mo at hindi ang sinasabi ng iba na kailangan mo. Suriin din ang mga extended warranty, minsan ay mas makakamurang magpagawa kaysa kumuha nito. Bumili sa sigurado.

Maka­kabuti na bumili ng mga gamit mula lamang sa mga authorized sellers nito, dahil maiiwasan ang panganib ng pagkakaroon ng depekto ng binili at masmahal na pagpapagawa. Iwasan din ang paghiram ng pera sa mga unauthorized na nagpapahiram. Kadalasan, nakakatulong ito sa simula ngunit nagdudulot ng ma­laking problema pagdating sa laki ng interest.

Tiyakin ang pipirmahan, Suriing mabuti ang kontrata sa pagkuha ng credit cards bago ito lagdaan. Siguraduhin na walang hidden charges na ikakagulat mo sa oras ng pagbabayad. Tiyakin din na kaya mong bayaran ang monthly dues dahil kahit wala itong interes, kapag hindi nakabayad nang isang buwan ay maaa­ring mapagbayad pa ng masmalaking halaga sa huli. Magsagawa ng credit check, hindi lahat ng credit cards ay pare-pareho. Makakabuting suriin kung ano ang mga pinakamagandang deals sa bawat card na mayroon ka.

Maaaring mas mura sa isa ngunit may ilang buwan naman na walang interes ang pagbabayad sa kabila. Gumawa ng budget para sa mga ito at huwag kaligtaan ang mga due dates. Marapat na ma­ging organi­sado, marami mang iniisip sa panahon na ito, mala­king tulong ang pagi­ging organisado. Tandaan ang mga dapat bayaran sa iyong credit cards pati na ang mga due dates nito.

Siguraduhin na makapagbayad ng kahit minimum amount sa bawat due date para hindi singilin ng dagdag na bayad. Matapos ang mga pagdiriwang, bigyang pansin ang iyong mga napaggastusan. Isipin kung saan-saan nakamura at napamahal. Matuto sa mga ito at simulan nang maghanda para sa susunod na Pasko. Nakaka-temp na gumastos nang gumastos dahil sa dami ng mga sale at pati na rin sa kasanayan ng pagbibigay ng regalo.

Ganunpaman, pag-isipang mabuti ang iyong mga bibilhin para hindi baon sa utang pagdating ng Bagong Taon.

Nawa’y makatulong ang ilang tip na ito ng Magsasakang Reporter kung paano hindi magwaldas ngayong Pasko. 

Tagaytay ang magandang staycation ngayong pasko

Ilang araw na lamang ay Pasko na, marami sa atin ang naghahanap ng magandang lugar at masarap na klima para mamasyal at mag-staycation ngayong holiday season.

Isa sa magandang lugar na malapit lamang sa Metro Manila na maaaring pasyalan ngayong Pasko ay ang Tagaytay City.

Bukod sa napakaganda ng tanawin ngayon sa Tagaytay dahil sa bulubunduking lugar nito ay unti-unti na ring bu­mabalik ang dating ningning ng Taal Volcano matapos sumabog at nag-alburoto noong 2019.

Napa­kasarap at napakalamig ang simoy ng hangin ngayon sa Tagaytay na tinaguriang “2nd summer capital ng Pilipinas” na kahit sa tanghaling tapat ay para kang naka-aircon. Ngayon pa lamang ay pami-pamilya na ang pumupunta, namamasyal at nagbabakasyon sa Tagaytay.

Ayon kay Yolanda Santiago ng Paco Maynila, halos linggu-linggo ay nagpupunta sila ng kanyang pamilya sa Tagaytay City para mamasyal, lumanghap ng sariwang hangin, kumain at humigop ng mainit na sabaw.

Isa rin kasi sa dinarayo sa Tagaytay City ang iba’t ibang masasarap na pagkain tulad ng Bulalo at pritong isda na tawilis na nakukuha lamang sa lawa ng Taal.

Kung bumisita ka sa Tagaytay, hindi ka lang magagandahan sa mga tanawin kundi maeeng­­­g­anyo ka ring kumain. Narito ang mga pasyalan sa Tagaytay na hindi ka lang bubusugin sa tiyan kundi maging sa mata at kultura.

Ang twin lakes o Taal Volcano and Lake – Libreng pasyalan sa Tagaytay na sikat dahil sa bulkan at lawa ng Taal. Picnic Grove – Sikat na picnic spot sa Tagaytay. People’s Park in the Sky – May magandang view ng Taal Volcano at Lake at karatig-bayan ng Tagaytay. Sky Ranch – Amusement park na perfect sa pamilya at magkakaibigan. Paradizoo – Zoo sa Tagaytay kung saan maaaring makasala­muha nang malapitan ang iba’t ibang mga hayop. Museo Orlina – Museo na puno ng mga glass art and sculptures. Puzzle Mansion – Museo na puro puzzles ang makikita. Narito rin ang isa sa pinakamala­king koleksiyon ng finished puzzle sets. Sonya’s Garden – Romantic na kainan at bed & breakfast sa Tagaytay.

Mahogany Beef Market – Murang bilihan ng mga gamit at pagkain, lalo na ang bulalo. Nurture Wellness Village – Lugar na perfect para sa pampering sessions. Dreamland Arts & Crafts Cafe – Boho-inspired na cafe. Balay Dako – Restaurant na may magandang view na naghahain ng authentic Filipino dishes. Sinabi ni Yolanda, narerelaks siya ng husto sa tuwing umaakyat sila ng kanyang pamilya sa Tagaytay City. — MER LAYSON

Diwa ng pasko sa simbang gabi online mass

Mamaya simula na ng Simbang Gabi. Tradisyon na siyam na sunud-sunod na gabi kailangan dumalo hanggang sa sumapit ang  Disyembre 24 pagdiriwang ng Kapanganakan ni Hesus.

Ito na ang ikalawang taon ng Simbang Gabi online mass nating mga Pilipino  bunsod ng  epek­tong dulot ng COVID-19 virus na nagsimula noong Marso 2020.

Hindi biro ang mga epekto at mga pagbabago  na dinulot ng COVID 19 sa pamumuhay, trabaho, negosyo at maging ang pagmimisa. Kanya-kanyang  Facebook page.

Para sa Simbahang Katolika, hindi dapat maputok ang koneksiyon ng  bawat Katoliko, Pilipino  sa Panginoon.

Dahil dito, nakiuso na rin ang  Simbahang Katolika sa paghahatid ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng  online  mass. Sa online mass, mananatili ang  koneksiyon at  pakikipag- usap sa  Diyos.

Subalit ano ang ba  Diwa ng Pasko sa Simbang  Gabi online mass?

Sa aking pagtatanong, iba-iba ang pananaw ng  mga Katoliko sa Simbang  Gabi online mass, 20 katao na  aking tinanong na  4 dito ang  nagsabi na nawala ang Diwa ng Pasko sa Simbang Gabi online mass. Dahil online mass, kanya-kanyang  gadgets, at  oras  pagmimisa. Watak-watak, hindi nakatutok. “Taken for granted”.

Nasa 5 naman ang nagsabi na nawala ang  diwa ng Pasko sa online mass. Katwiran nila kailangan ang load upang makapag online mass.

Subalit 11 o majority ng  aking nakausap ang  nagsabi na bagama’t limitado ang galaw dahil sa COVID-19 at apektado maging ang pagsisimba, pinunan pa rin ito ng mga  online mass.

“Kung gusto may paraan, kung ayaw mara­ming dahilan”. Ayon sa 11 Katoliko, kung malakas ang pananalig sa Diyos ng bawat Pilipino, ang diwa ng Pasko  sa Simbang Gabi ay hindi magbabago at hindi mawawala dahil magkakasama ang pamilya na nag-o-online mass.

Mahalaga na sabay-sabay na tinatanggap ang presensiya ng Diyos sa online mass. Ika nga kung  may masama ang epekto ng COVID-19, ang mabuting epekto naman nito ay ang paglalapit ng bawat miyembro ng pamilya sa isa’t isa.

Ang online mass ang naging pagsubok ng mga Katoliko sa kanilang pa­na­nampalataya.

Online mass o hindi, pagbubuklod ng pamilya ang importante, sandigan ng  bawat isa sa mga krisis na dumarating  sa ating buhay. — DORIS FRANCHE

Bakit gusto nila ang Pang-Masa?

MANUEL REYES ng Barangay 108 Zone 12 Pasay City: “Ang sarap kasing basahin ng diyaryong ito. Paborito kong basahin ang PM sports lalo na ang basketball at volleyball. Kasunod kong binabasa ang tungkol sa mga balita at ang nobelang “Ika-13 babae sa kanyang buhay.”

PENAFRANCIA ABALORA ng Barangay 108 Zone 12 Pasay City: “Malinis ang diyaryong ito. Ang gusto kong basahin sa PM ay ang mga maiinit na balita, nobela at sports. Hindi ako nagbabasa ng ibang diyaryo, PM lang talaga ako.”

CARMEN PASCUA ng Ocampo compound, Aurora St. Pasay City: “Limang taon na akong nagbabasa ng PM at patuloy pa akong susubaybay sa diyaryong ito. Ang paborito kong basahin ay ang mga balita sa artista. Bakit po ba nawala sa Libangan ang Sinusuwerte ka at Mga Suwerteng dulot ng Numero. Gabay ko kasi iyon sa aking pagtitinda sa sari-sari store.”

EMISER RYAN SARCEDA, ng Makati City: “Nakakalibang ang PM. Anim na taon na akong nagbabasa nito. Gusto kong basahin ang tungkol sa sports. Natutuwa akong basain ang komiks cartoon na Tanong -Tanod at Bugoy.”

DOMINADOR POBLETE, taga--Libertad, Pasay City: “Sampung taon na akong nagbabasa ng PM. Masugid kong sinusubaybayan ang mga sinusulat ni Ronnie M. Halos. Walang palya ang pagbabasa ko ng PM. Paborito ko rin ang Sports page.

JOELITO COMPUESTO, taga-Libertad, Pasay City “Paborito kong basahin ang mga kolum nina Ben Tulfo, Gus Abelgas, Non Alquitran, Joey Umali. Two years na akong nagbabasa ng PM.”

ARTHUR BAUTISTA ng Tramo Street,  Pasay City: “Paborito kong basahin ang Punto Mo, Sports, at mga balita. Apat na taon na akong nagbabasa ng PM.”

RODOLFO SUMAYAO ng Valenzuela City, taxi -driver: “PM ang binabasa ko kapag naghihintay ng pasahero. Sports at News ang aking paboritong basahin.”

RICKY S. RAMOS ng Celario’s Barber Shop na nasa Gen. Luis St., Novaliches, Quezon City: “Kawili-wiling basahin ang PM! Matagal na akong nagbabasa ng diyaryong ito. Sa aming barber shop ay PM at Pilipino Star NGAYON lamang ang diyaryo. Wala nang iba pa kaming binabasa sapagkat mapagkakatiwalaan ang mga diyaryong ito. Maski ang aming mga customer ay aliw na aliw sa pagbabasa ng PM at PSN. Paborito kong basahin ang “Ang ika-13 babae sa kayang buhay ni Ronnie M. Halos at ang ‘‘Diklap’’ ni Ms. Anne. Mabuhay ang PM, tunay na pahayagan ng masang Pinoy!’’

JUN DAVID ng Taft Avenue, Pasay City: “Masarap basahin ang PM! Kapaki-pakinabang ang mga nakalathala sa pahayagang ito. Ang pinaka-paborito kong basahin ay ang nobela ni Ronnie M. Halos sa page 4. Hindi ko rin pinalalampas ang maiinit na balita sa Sports page. Sampung taon na akong nagbabasa ng PM at patuloy pang tatangkilikin ang diyaryong ito na swak na swak sa aking panlasa.’’

RONALD DE CAPIZ ng Balanga, Bataan: “Nakaaaliw basahin ang PM. Paborito kong basahin ang mga news na nasa page 2. Naa-update ako sa mga kaganapan at mga mahahalagang pangyayari sa ­ating bansa. Sana ma­dagdagan pa ang mga pahina ng news para enjoy na enjoy ang pagbabasa. Hiling ko rin na madagdagan ang mga kuwentong kagila-gilalas. Mabuhay ang PM.”

ROMEO AQUINO ng Tondo, Manila: “Exciting basahin! Unang-una kong binabasa sa PM ay ang mga balitang nasa pahina 2, sunod ay ang Punto Mo, comic strips, sports, crossword puzzles at ang nobela ni Ronnie M. Halos Suhestiyon ko magdagdag pa ng mga nakaaaliw na kuwento para mas lalong ­maging kapana-panabik ang mga pagbabasa. Maraming salamat at mabuhay ang PM!”

HANCEL R. QUINICIO ng Makati City: “Masarap basahin ang mga balita sa artista kaya ang una kong binubuklat at binabasa ay ang mga artikulo sa PangMovies. Gusto kong ma-update sa mga balita at buhay-buhay ng mga paborito kong movie personalities. Marami pong salamat sa paghahatid ng mga mahahalagang inpormasyon. Pagpalain po ang mga nasa likod ng Pang-Masa newspaper.’’ 

JOSE MIRASOL ng Tramo Street, Pasay City: “Paborito kong basahin ang ‘‘Tanong Tanod’’ at ‘‘Bugoy’’ ni Nilo Comoda. Puwede po bang ­madagdagan pa ang mga cartoon strips para mas masaya ang pagbabasa.” 

Eleksyon 2022: Ang bagbangon ng bansa sa pandemya

Krusyal ang gaganaping May 9, 2022 local at national elections sa gitna ng pagbangon ng bansa sa matinding epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19 at naglilitawang mga bagong variants nito na gumimbal sa buong mundo.

Isa ito sa malaking kaganapan na malilimbag sa kasaysayan na kabilang sa prayoridad na mga balita na nais ihatid sa mga mambabasang masugid na tagasubaybay ng pahayagang PM (Pang-Masa) na nagdiriwang ngayon ng ika-18 taong ani­bersaryo.

Ayon sa mga political analyst, sa gitna na rin ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic at pagbangon ng ekonomiya, nakasalalay sa susunod na lider ang kinabukasan ng Pilipinas.

Pero ano nga ba ang kuwalipikasyon na dapat suriin ng mga botante lalo na sa mga aspirante sa mataas na posisyon sa gobyerno partikular na sa mga kandidatong  Pangulo, Bise Presidente at Senador?

Kabilang sa mga kandidato sa national post ay sina dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos, standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na running mate si Davao City Mayor Sara Duterte. Magka-tandem din sina Vice President Leni Robredo, kandidatong Presidente na tumakbong Independent at Liberal Party vice presidential aspirant Francis “Kiko” Pangilinan.

Si Senador Panfilo Lacson, kandidatong Pangulo ng Partido Reporma na ang Bise Presidente ay si Vicente “Tito’ Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC) habang magka-partner rin sina Manila Mayor Isko Moreno, presidential candidate ng Aksyon Demokratiko at Doc  Willie Ong.

Samantalang, si boxing icon Manny Pacquiao mula sa PDP-Laban na nahati sa dalawang paksyon ay kandidato ring Pangulo na ang running mate ay si Deputy Speaker Lito Atienza (Buhay Partylist).

Samantalang ang pambato ng administrasyon na si Senador Bong Go ay umatras na sa presidential race para umano sa pagkakaisa na kauna-unahan sa kasaysayan ng pambansang halalan sa bansa.

Bukod sa paninindigan sa mga pambansang isyu ay mahalaga ring masuri ang plataforma ng mga kandidato upang magsilbing batayan ng mga botante sa ihahalal na susunod na Pangulo lalo na at nakasalalay dito ang kinabukasan ng bansa.

Sa panahon ng pandemya na kailangan ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapanatili ng social distancing ay malaking hamon para sa mga kandidato ang pangangampanya.

Sinusubaybayan ng pahayagang ito ang mga istratehiya sa pangangampanya ng mga kandidato  sa nasyonal na posisyon upang maihatid ang mga sariwang balita sa publiko at magabayan ang mga botante sa pagpili ng tamang lider.

Ayon sa mga political analyst mahalaga rin na may paninindigan ang ihahalal na susunod na Pa­ngulo at hindi teka , teka o urong-sulong  ang ugali, magulong magdesisyon na hindi naakma sa panahon ng pandemya  dahilan sa imbiyerna na ang publiko sa ganitong gimik sa pulitika.

Base sa naunang pahayag ng mga kandidato, pagrekober sa pandemya at pagbangon ng ekonomiya ang pangunahing agenda ng mga presidential candidates na naglilibot na sa bansa para himukin ang mga botante na ihalal sila sa inaabangang pambansang halalan.

Samantalang trending o mainit na paksa hindi lamang sa mga balita sa diyaryo, radio at television kundi nangunguna sa social media ang isyu ng halalan 2022.

Sa mga botante, tandaan na kaisa ninyo ang pahayagang ito na matalinong makapamili ng susunod na mga lider ng gobyerno lalo na ang posisyon ng Presidente para sa kinabukasan at pagbangon ng bansa sa COVID-19 partikular na ang bagong kabataan. — JOY CANTOS

Show comments