NAKATINGIN lang sa military employee ang babaing flying zombie.
Nakangisi pa nga. Nanunuya.
Mayabang.
Pero gigil na gigil siyang kainin ito, kung kaya lang sana niya. Kasi talagang matagal na siyang gutom ng laman at dugo ng tao.
“Alam naman namin na may kakayahan kang makaintindi. Kaya mo pa ngang magsalita. Kung makikipagtulungan ka lang sana, mas maganda ang mangyayari sa iyo.” Nagsermon ang empleyada.
May naisip si Leilani.
Susubukan niya itong lokohin, lansihin.
Para makatakas siya at magawa ang gusto ng boses na nasa loob niya. Akitin si Nikolai, paibigin,para maging sunud-sunuran sa kanya.
At kapag siya na ang nasusunod, si Nikolai ay papayag na maging kaanib nila.
Magiging masama na rin.
At siya ay magiging mas makapangyarihan. Baka magagawa na niyang mautusan ang sarili na bumalik sa ganda at normal ang itsura, tulad na lang noong nasa ilalim ng dagat sila ni Nikolai.
Nagkunwari siyang umiiyak, nagsisisi na.
“M-mali nga ako … dapat nilabanan ko ang pagiging masamang zombie. Hindi sana ako nagkakaganito. Ang hirap. Nagsisisi na ako pero alam ko, hindi na ako maaring mapatawad pa dahil marami na akong napatay …”
May pusong mamon naman pala ang babaing military employee, naawa kaagad.
“Ano ba ang mahirap? Ang nakakulong dito? Ang naka-strap diyan sa machine nang nakatayo lang because of your wings?”
Lalo pang pinatulo ni Leilani ang kanyang mga luha. “Oo. Pero mas mahirap isipin ang mga nagawa kong pagpatay. Ang guilt na dumudurog ngayon sa puso ko, grabe ang balik sa akin. Ayoko nang kumain ng tao. Ang gusto kong kainin ay mga gulay na lang.”
“Ha? Ang ibig mong sabihin, nararamdaman na ‘yan ng tiyan mo, ng dila mo, na nagki-crave ka na ng mga gulay?”
“Hindi ko nga rin maintindihan, e. Gustung-gusto ko na ng mga gulay! Meron ba kayo? Puwede akong makahingi?”
Natuwa agad ang military employee sa sinabi ng kanilang bihag. “Siguro ginusto iyan ng Diyos, tinulungan ka niya, teka, susubuan kita kasi may mga gulay kami ng sinigang diyan!” ITUTULOY