NALULUNGKOT din si Nikolai sa kalagayan niya.
Gusto sana niyang makatulong, gusto niyang maging hero.
Pero meron bang hero na ganito kapangit? Nakakatakot? Sino naman ang magtitiwala sa isang taong ang haba ng pagkakalawit ng dila at pagkaiitim ng mga mata at paligid nito?
Tinanaw niya ang isang malaking basket ng prutas na gusto na sana niyang makita ng mga tao sa loob ng gibaing kubo para makakain na ng mga ito.
Pero dahil nga takot siyang ilapit at baka makita siya, napalayo ang paglagay niya.
Kaya tuloy hanggang ngayon, wala pa ring nakakakita sa grasya.
Ang ginawa ni Nikolai, nagbalik na lang sa kanyang lugar sa bundok. Inalsa uli at inilipad ang isa pang malaking basket ng mga prutas.
Nakakita siya ng isang maliit na plaza.
May mangilan-ngilang namamasyal na mga taga-probinsya. May mga batang payat at halos yagit ang mga damit, naglalaro ng tumbang-preso.
“Sana makakain sila ng mga ito para mabusog at lumusog kahit man lang konti.”
Dahan-dahang lumipad pababa si Nikolai.
Naghanap ng corner na medyo malayo pa rin sa mga tao sa plaza. At doon inilapag ang malaking basket ng mga prutas.
Hindi niya nailapag sa medyo maliwanag, may ilaw. Sa takot na baka makita siya at may mga magkakagulo at matatakot.
Walang naliligaw sa kinaroroonan ng mga prutas. Sa mga batang natanaw niya, nakikita niyang tumigil na ng paglalaro ang mga ito, titingin-tingin sa mga merong minimeryendang namamasyal dito sa park.
“My God, may makakain kayo, hayun, bigay ko, masasarapan kayo sa mga kaymitong ‘yan dahil malalaki at tamang-tama ang hinog. Please, maglakad-lakad naman kayo para makita ninyo ang mga binigay kong fruits!”
Kaso paano naman siya maririnig?
Naisip niya, kung merong black force, siguradong meron ding mga puwersa ng mababait.
“Can you help me, please? Kung may nakikinig sa akin diyan na mga anghel, puwede bang ituro ninyo sa mga batang gutom na ‘yan ang mga prutas na naghihintay lang para kainin nila?”
Walang katinag-tinag ang paligid.
Parang wala namang nakikinig sa kanya. Bigla, may narinig siya. Pero isang pabulong na tawa na mala-demonyo. ITUTULOY