NAGKAROON din ng dalawang pakpak si Nikolai.
Ang isang lalaking matino, guwapo, magaling sa lahat, naging flying zombie na rin.
Naging biktima ng dark entity na siguro nga ay taga-impiyerno.
Inutusan ng dark entity ang bagong flying zombie na lalaki, si Nikolai. “Goooo! Magkalat ka ng lagim! Isa kang patunay na magaling ako! Na kahit pala ano na ang gugustuhin kong likhain ay kaya ko! Hindi kailangang mga babae lamang na malalandi at naninira ng pamilya! Kahit isang lalaking tulad mo, umiibig sa babaing may asawa pero naghihintay ng tamang panahon … kaya ko ring gawing monster! BWAHAHAHAHAAAA!”
Mula sa ilalim ng dagat, mabilis ngang lumipad sa ere si Nikolai.
Nag-soar siya. Napangiti. Nagugustuhan niya ang paglipad. Liberating!
Nagbalik ang kumpleto niyang kaisipan.
Natapos na ang kanyang pagiging tulala.
“AAAAAHHHHHH!” Napasigaw si Nikolai, natuwa.
Pero sa haba ng kanyang dila, hirap naman siyang magsalita.
Gusto sana niyang isigaw na tanggap niyang flying zombie siya. Pero ang kaibahan, taong-tao ang kanyang pakiramdam.
Wala siyang mga signs ng pagiging zombie.
Hindi nagugutom ng laman ng tao.
Hindi nauuhaw ng dugo ng tao.
Hindi nabubulok ang kanyang katawan. Siguro dahil hindi naman siya namatay.
Ginawa siyang flying zombie habang isa siyang taong nabubuhay sa ilalim ng dagat.
Sa isip, nakakapagsalita si Nikolai.
“Hindi ako tulad ni Marga, hindi rin ako tulad ni Leilani. Kahit zombie ako, may sarili akong pagkatao. Puwede akong makatulong instead na maging threat.”
Inikot niya ang malawak na airspace. Natanaw niya ang Metro Manila. Ang Laguna. Ang Pasig River. Ang mga bundok papuntang Baguio.
May hinanap siya sa Metro.
Ang village nina Laurice, nakita niya kaagad.
Dahil umagang-umaga, tahimik pa ang village. Ang malawak na bakuran nina Laurice, maraming kalat na debris, may naganap nga kasi, iyung pagkuha kay Leilani ng mga sundalo. Itutuloy