Ang HIV ay isang virus na sumisira sa immune system na maaaring mag-develop sa AIDS. Ayon sa Joint United Nations Program on HIV and AIDS (UNAIDS), ang ‘Pinas ang nangungunang bansa sa pinakamabilis na pagdami ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) cases sa buong mundo.
Ang mga unang linggo matapos mahawaan ng HIV ay tinatawag na acute infection stage. Sa mga panahong ito, ang virus ay mabilis na dumadami. Bilang responde, ang immune system ay nagpo-produce ng HIV antibodies—mga proteins na lumalaban sa infection.
Sa stage na ito, ang ibang tao ay walang symptoms sa una ngunit sa katunayan, maraming may sintomas na ngunit hindi agad namamalayan na ito ay dahil sa HIV. Ito ay dahil ang symptoms ng acute stage HIV ay parang flu o seasonal virus. Maaaring makaramdam nang matinding sama na pakiramdam o hindi gaano, nawawala-wala pero bumabalik-balik na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo.
Ang mga early symptoms ng HIV ay lagnat, chills, namamagang lymph nodes, pananakit ng bahagi ng katawan, skin rash, sore throat, pananakit ng ulo, pagkahilo, at pananakit ng tiyan.
Dahil karaniwang sakit ang mga sintomas na ito, hindi ito pinapansin at kahit magpatingin sa doctor, puwedeng isipin na simpleng flu lamang o mononucleosis ito ay maaaring hindi ikonsidera ang HIV.
May sintomas man o wala ang isang tao sa mga panahong ito, mataas ang viral load na ibig sabihin ay mataas ang HIV sa bloodstream kaya mas madali itong maipasa sa iba.