Isang hindi nagpakilalang sender sa social media ang nagpahayag ng kanyang nakakatakot na karanasan nang minsang magbakasyon sila sa Baguio. Tumingin daw sila ng murang matutuluyan doon sa pamamagitan ng Internet at sakto namang natiyempuhan nila ang maganda at malaking bahay na mura lamang ang paupa, kaya naman agad na nila itong kinuha.
Nang makarating doon ay tumambad sa kanila ang medyo luma nang bahay at punung-puno ng antigong gamit. Nakakatakot din daw ang pakiramdam sa loob. Bahagyang nadismaya raw ang kanyang tiyahin pero kinibit-balikat na lamang nila ito dahil gusto na nilang makapagpahinga.
Naglibut-libot sila ng kanyang pinsan at nakakita ng mga kuwartong may sign na “off limits”, nang papasukin na nila ito ay pinigilan sila ng caretaker.
Hindi pa raw sila nagtatagal doon ay umiyak na ang isa niyang pinsan, nakakita raw ito ng matandang nakaupo sa rocking chair. Agad silang bumaba para puntahan ang kanilang mga magulang, nang biglang ang kapatid naman daw niya ay hindi makahinga. Para raw itong sinasakal. Maya-maya pa ay naririnig nila ang caretaker ng rest house na para bang may kausap, “sinabi ko na sayong huwag ka nang bumaba! Pumasok ka sa kuwarto,” pagsigaw na sabi nito.
Wala na raw tao sa ikatlong palapag dahil lahat sila ay nasa baba na kaya naman natakot na sila. Agad silang naghanap ng ibang matutuluyan at mabilis na umalis, at nangakong hindi na sila muling babalik pa sa nasabing rest house.