Pangalawang Anino(12)

NAPASIGAW sa takot si Alona habang papalapit ang apat na babaing may kanya-kanyang dala.

Samantalang dalawang babae ang nakadiin sa kanya sa kama, hawak bawat isa ang kamay niya.

Akala niya ay tutusukin na siya o kaya dadaganan ng bato kaya sumigaw siya uli. “AAAAAHHHH!”

Pero hindi karahasan ang natamo niya. Kundi masuyong hagod sa bawat parte ng katawan.

Para bang ano mang sakit na nararamdaman niya ay pinahid ng mga ito. Kay-iingat ng mga kilos. Halos hindi humihinga habang patuloy ang halos ginagawang rituwal sa kanyang katawan.

Para bang ang pagdampi ng mga kamay nito sa kanyang parte ng katawan ay mala-bulak sa lambot at gaan.

Nabuhayan ng loob si Alona. “A-akala ko’y popatayin na ninyo ako. Hindi pala. Hinuhugasan n’yo lang buong katawan ko. Ang sarap sa pakiramdam, mainit-init kasi ang tubig. Saka ano ‘yang inilalagay ninyo sa mga sugat-sugat ko? Nakakaginhawa.”

“Bibigyan ka namin nang ganito, Alona.”

May inilabas mula sa bulsa ang isa sa mga babaing nakapula. “O heto, baunin mo na lang. Ibibigay ko sa iyo dahil kailangan mo. Kapag may kirot kahit konti lang, dampian mo lang ang mga sugat.”

“Bakit n’yo nga ako kinurot?”

“Dahil iyan ang pulang tradisyon. Kailangan ninyong dumaan na mag-anak sa pagsubok para maging maluwalhati ang inyong pupuntahan.” Maligoy na sagot ng babaing nakapula.

“Mauulit pa ba ang mangungurot sa akin?” Alalang tanong ni Alona.

“Marami ka pang rituwal na dadaanan. Pero kakayanin mo. Hindi puwedeng hindi.” Mailap na sagot ng babae.

“Nasaan na ang asawa ko?” tarantang tanong ni Alona.

“Tinuruan lang ng leksiyon pero buhay. Pagsundo niya sa iyo mamaya siguro naman ay nahimasmasan na siya. Napaka-iskandalo.” Halatang nayamot ang isa pang babae.

“Natakot lang ‘yon. Kasi nga, ngayon lang naman kami dumanas nang ganito.”

“Wala lang kayong tiwala sa amin. Kailangan pa talagang muli kayong mabinyagan.” - ITUTULOY

 

Show comments