House of Death (149)

 BUMAGSAK sa semento ng kulungan si Anna, nawalan ng malay.

“Hala! Baka matsugi! Baka napuruhan mo!”

 “Wala akong pakialam! Kaysa maunahan tayo! Baliw na baliw na, ‘di ba? Nagsasalita mag-isa! Ano ang susunod? Baka manaksak, manakal, manuntok at manipa! Mahirap na kaya ‘buti siya na lang ang tsugihin natin!” Hindi marunong magsisi ang presong babae na sanay sa sakitan at kaya nakakulong dahil nakapatay ng mag-asawa.

Nagalit naman ang isa pang preso. “Sabi nang nakikita ko ang kausap niya, e! Hindi siya baliw! Nandidiyan pa nga ang kausap niya, o! Ang sama ng tingin sa iyo, galit sa ginawa mo kay Anna!”

 “Isa ka pa! Nahawahan ka na ni Anna! Gusto mo ikaw naman ang patutulugin ko nitong dos por dos na hawak ko!”

“Subukan mo lang! Magkakagulo tayo! Nagsasabi ako nang totoo! Meron talagang mga tulad namin ni Anna na parang may pangatlong mata. Nakakakita ng mga ispiritu!”

Itinaas ng nanakit kay Anna ang dos por dos na hawak para hatawin na rin ang nakakakita kay Benilda.

Si Benilda naman ay galit na sa nanakit kay Anna. May gustong gawin.

Hindi siya papayag na magrereyna ang ganitong klaseng tao. Walang kaibahan sa ugali nina Azon at Temyong.

Mga klase ng tao na dahilan kaya nga­yon magulo sa kanilang dating tahimik na taha­nan. Mga klase ng tao na kapag namatay ay magiging mga multong masasama.

Hahatawin na ng presong maldita ang presong nakakakita kay Benilda. Pero mas mabilis si Benilda, tinalon nito ang likod ng manghahataw. Agad-agad bumigat ang likuran ng babae, sa isang iglap nakuba siya.

ITUTULOY

Show comments