Aswang Territory (218)

TINATANAW na lang ni Armani si Avia na lugmok na. At siya man, alam niyang hindi na rin magtatagal.

Si Simeon ang papatay sa kanya. Pero hindi bale, huwag lang niyang makita ang pagpatay ni Simeon sa kanyang pinakamamahal na si Avia.

At ngayon, bubuhos ang malakas na ulan. Madilim na madilim na ang kalangitan.

Tuwang-tuwa si Simeon, gustung-gusto niya ang ulan. Nawawalan siya lalo ng pag-asa dahil sa reaksiyon ni Simeon sa pag-ulan.

“HAHAHAAAA! Kami ang panalo! Ako ang kinakampihan ng panahon! Ang ulan ay magpapalakas sa amin! Ang aming mga sugat ay maghihilom dahil sa ulan! Ang mga mabubuting lahi ay hihina lalo dahil hindi sila sanay mababad! Hindi na kasi sila lumalabas at pumapatay kung ganito ang panahon!”

Pumikit na lamang si Armani. Handa na sa kanyang katapusan.

At bumuhos na nga ang ulan. Malakas kaagad.

Ang mga masasamang lahi ay hindi ito iniinda. Patuloy na nakikipaghamok. Ang mga mabubuting lahi ay apek­tado ng basa, ng ginaw.

Ang kanilang pagka-aswang ay hindi na masasabing matatag at matigas. Madali nang humina.

Ang kuya ni Avia ay sinasakal na ng masamang lahi. Pilit niyang tinatanggal ang mga kamay nito sa kanyang leeg pero dumudulas lamang ang kanyang pagkapit.

“AAAAHHHHH…” Napadaing na ang kuya, nanghihina.

Ang ate ni Avia ay napilitang tumakas, tumakbo. Pero hinahabol ito ng tatlong masasamang lahi na puro babae.

Ang isa pang ate ay kinakagat na sa braso ng isang masamang lahi na matanda.

May kahinaan na pero mas mahina naman ang ate kaya kayang-kaya ng matandang masamang lahi na saktan.

Si Madam Helena ay malakas pa naman, ipinagtatanggol pa ang isang pasyente ng ospital na gustong ubusan na ng dugo ng dalawang masamang lahi.

Siguro nga ay katapusan na ng mga lahi nina Avia.

At damay pati si Armani at mga magulang nito.

Patuloy ang pag-ulan. Ang mga pulis at sundalong napatay na ng mga masasamang lahi ay parang napaliguan na ng tubig, ang mga dugo sa katawan na nanigas ay natunaw na, inanod ng ulan. - DALAWANG LABAS NA LANG

 

Show comments