NAGDASAL ng Our Father si Father Albert. Sumusunod sa kanya si Avia.
Pagkatapos na pagkatapos ng dasal nila, may nakita na si Father Albert sa likuran ni Avia.
“Avia! Ang kalaban!”
Naramdaman ni Avia na mananakmal na sa likod niya ang kalaban. Kaya umigkas siya, lumipad nang mabilis paitaas.
Saka mabilis din na nag-dive pababa.
Kita niya si Simeon na biglang-bigla sa kanyang ginawa, hindi akalaing ganoon na kabilis at kagaling sa paglaban si Avia.
Itinutok na ni Avia ang liquid gun kay Simeon, punung-puno na ito ng benditadong tubig.
Pero bago pa mabaril ni Avia ang pinuno ng mga masasamang lahi, nadaklot na nito si Father Albert.
Hawak sa leeg ng mga kamay na may matutulis na kuko.
At hinamon si Avia. “Sige, barilin mo ako ng lintek na benditadong tubig na ‘yan at kakalasin ko naman ang lalamunan at dibdib ng pakialamerong paring ito!”
Natigilan si Avia. Hindi niya magawang barilin si Simeon, ayaw niyang ipakipagsapalaran ang buhay ng paring para na rin niyang ama.
Pero wala nang takot mamatay si Father Albert. May hawak pa itong kalahating balde ng benditadong tubig.
Tahimik lang ang pari pero may plano. Unti-unting gumalaw ang dalawang kamay, sinisikap na hindi maramdaman ni Simeon.
Pero napakatalas ng pinuno ng mga masasamang lahi.
Bago pa siya mabuhusan ng benditadong tubig ng pari ay sinipa niya ang kamay na may balde.
Talsik ang balde, nasayang lang ang holy water.
“Huwag mong saktan ang pari! Kundi sasabayan kita ng pagbaril ng benditadong tubig, Simeon! Mamamatay si Father Albert pero mamamatay ka rin!”
“Hayaan mo akong umalis na kasama ang paring ito.”
“Hindi!”
“Avia, pumayag ka nang isama niya ako. Pero hilingin mo na tumigil na ang kanyang mga kampon, sumama na sa kanya sa pag-alis sa metro. Para hindi na lalong dumanak pa ang dugo.” Inutos ng pari kay Avia.
Itutuloy