LUMUNG-LUMO si Armani. “Nabigo ako, Avia. Sigurado kasi ako na hindi lang panaginip ‘yung nakita kong pumasok ako sa katawan ng isang basurerong magdadala kay Simeon sa isang ospital o clinic. At nakapasok naman ako, mapapatay ko na sana si Simeon, binubuhusan ko siya ng holy water sa kanyang katawan ... pero bigla na lang lumabas sa katawan niya ang ispiritu ko. At sumunod kong namalayan, buhay na ako.”
“Hindi mo kasalanan ‘yon, Armani. Tinawag ka na uli ng buhay mo kaya mo iniwan ang katawan ng basurero.”
“Ang ibig mo bang sabihin gusto pa ng Diyos na madugtungan ang buhay ni Simeon?” Masama ang loob ni Armani.
“Hindi sa ganoon, Armani. Siguro gusto ng Diyos na huwag ka munang kunin sa mundo. At kung hindi ka Niya nailabas sa katawan ng basurero baka ibig sabihin ay talagang hindi ka na makakabalik dito.”
Natigilan si Armani. May katuwiran naman kasi si Avia.
“Parang may time limit lang ang isang spirit sa labas ng katawan ... kapag lumampas siya, hindi na siya maaring mabuhay? At hindi na makakapasok sa sariling katawan?”
“Iyan ang theory ko, Armani. And I think it makes sense.”
“Okay, let’s leave that topic. Balikan natin ang problema kay Simeon at mga sakop niya. Uncontrollable na sila dito sa siyudad, Avia. Lalo na si Simeon. Alam na ba ito nina Madam Helena?”
“Hindi pa sa pormal na paraan. Mga nababasa lang na balita. Uuwi muna ako sa amin, Armani. Para makausap si Madam Helena. Tutal, pareho na kayong okay ni Draz.”
“Pero mapapayagan ba kitang bumiyahe papunta sa inyo na malapit na iyon sa teritoryo nina Simeon? Hindi safe, Avia. Lalo na ngayon na nakawala ang walanghiyang ‘yon.”
“Mahirap naman kasing sa celfone lang, Armani. Saka alam mong napakahina ng signal sa atin. Alam mong baka hindi kami magkaintindihan. So payagan mo ako, mag-iingat ako. Oo nga pala, magpapaalam din ako kay Draz.”
“Okay lang. Pero pakitanong mo nga sa kanya kung ano ang ginawa niya noong wala na ako sa spirit world. Kasi nagkita at nagkasama kami sa mundo ng mga kaluluwa, e.”
Na-amuse si Avia, hindi nagulat. “Ano’ng nangyari? Nag-away na naman kayo?”
“No. Magkakampi nga kami, e. Pinag-usapan namin kung paano tuluyang mamatay si Simeon. Ngayong pareho naman kaming buhay, dito namin sa lupa pagtutulungan si Simeon. Dito na naman ang laban.” ITUTULOY