SABAY-SABAY ngang nag-mental suggestion sina Avia and Armani, pati mga kapamilya ni Avia ... at sa ilang saglit lamang, nagiging aswang na naman sila.
Nagkatuwaan sila. Masayang-masaya.
Sabay-sabay ding nagpakatao uli.
“Armani! This is amazing!”
“Napakabait talaga ng Diyos, Avia! Iyan ang dapat mong sabihin!”
“Napakabait nga ng ating Diyos, Armani! Sobra!” Mangiyak-ngiyak pa si Avia.
“Ngayon, wala na tayong dapat ikatakot kina Simeon. Pag-iisipan na lang natin ang pinakamabuting paraan ng pagsugpo sa kanilang kasamaan. Pero kung maari lang din, wala sanang dugong dadanak. Ipagdadasal natin ‘yan.”
“Oo, Armani. Tama ka.”
Binalingan ni Avia ang mga magulang at mga kapatid. “Di po ba, Papa? Mama? Mga kuya, mga ate?”
Sabay-sabay na tumango at omoo ang mga kapamilya ni Avia.
Nagyakapan silang lahat dahil sa kaligayahan. Si Armani ay sumali.
“Ano ang latest?”
Napatingin ang lahat sa direksiyon ng nagsalita.
Tuwang-tuwa silang sumugod dito.
“Father Albert! Nakakalakad na kayo! Magaling na magaling na kayo!” Napasigaw sa katuwaan si Armani.
“Eh, gano’n talaga ... lumakas na ang katawan ko, e. Sa awa ng Diyos. Bakit nga pala nagkakatuwaan kayo dito?”
Nagkatinginan ang lahat sa tanong na ‘yon ng pari. Napangiti.
“Father Albert ... ano po ngayon? Gabi o araw?”
Tumingin sa direksiyon ng bintana ang pari. “Aba, gabi siyempre. Ayan, o. Madilim.”
Nakangiti ring nagtanong si Avia. “At wala ho ba kayong napansin sa amin, Father? Kapag gabi, ano ho ba ang itsura namin ... gusto man namin o ayaw?”
“Itsura ng mga aswang! Putol ang katawan, may mga pangil, may mga malalaking pakpak na maiitim!”
“And? Tingnan n’yo ho kami ngayon, Father...”
Saka lang nawari ng pari na may isa ngang pambihirang nangyari. “Mga pormang tao kayo kahit dapat ay aswang kayo! Diyos ko! Ito na ba ang gantimpala ng Panginoon? ” Itutuloy