Naging maingay simula noong nakaraang taon ang Enchanted River sa bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Sobra kasing linaw ng tubig ng ilog na ito at talaga namang makikita mo ang kalaliman nito na asul na asul ang kulay.
Pinaniniwaalaan ng mga lokal sa nasabing lugar na pagsapit daw ng dilim ay nagtitipun-tipon ang mga diwata, sirena, at duwende sa nasabing ilog para magkantahan at magsayawan sa sobrang linaw ng tubig ng Enchanted River.
Sa tuwing mahahawakan daw kasi ng mga diwata ang tubig ay lumilinaw ito nang lumilinaw.
Sabi pa ng isang taga-roon, hindi talaga nabago ang ganda ng ilog simula noong bata pa siya at kahit pa maraming bagyo na ang nagdaan sa lugar. Kaya nga siguro natawag itong Enchanted River.
Samantala, mayroon din namang ibang mga bisita na pagkatapos maligo sa ilog ay nakaramdam ng kakaibang sakit sa katawan o ‘di kaya naman ay pangangati.
Dipensa naman ng isang lokal sa Hinatuan, sila raw marahil iyong mga pasaway, maiingay, at walang respeto sa lugar kaya siguro ay pinaparusahan.
Sana ay tumagal ng panghabang panahon ang ilog at masaksihan pa sana ng mga susunod na henerasyon.