PARA namang walang narinig ang aswang na Avia. Nakikipagharapan pa rin kay aswang na Celtic.
Umungol si Avia. “AAWWWRRRRKKKKHH!”
Umungol din ang aswang na Celtic na akala mo ay susugod na kay Avia. “AAAWWWWRRRRLLLL!”
Nagmamakaawa na si Armani sa dalawa. “Ano ba kayo? Pag-aawayan n’yo eh ako lang naman ito? Isang duwag na si Armani! Hoy, Celtic! Huwag ka ngang pumatol sa babae! Kung gusto mo akong patayin gawin mo na! Basta si Avia, huwag mo lang talagang patulan kapag nagalit sa ‘yo!”
Ibinaon ni Celtic ang mga mahahaba at matutulis na kuko sa dibdib ni Armani.
Pero bago pa naidiin ni Celtic, bumaon din sa kanyang leeg ang dalawang kamay ni Avia, mahahaba at matutulis din ang mga kuko.
Hindi pa rin naman idiniin ni Avia pero may asul nang dugo o likido na tumulo sa leeg ng aswang na Celtic.
Ni ayaw sumigaw ni Armani kahit nasasaktan siya sa mga kuko ni Celtic, namamasa-masa na rin ng dugo ang kanyang leeg. Takot na baka lalong magalit si Avia kay Celtic at makikipagbakbakan na ang kanyang nobya.
Dahan-dahang binitiwan ni Celtic si Armani.
Bumaba rin ang mga kamay ni Avia, bumitiw din kay Celtic.
At mabilis na tumakbo at nawala sa mga malalaking tanim sa hardin ang aswang na lalaki.
Unti-unting nagbalik sa anyo ng tao si Avia.
Agad itong niyakap ni Armani. “Salamat, mahal. Akala ko talaga mag-aaway na kayo, e. Ano’ng laban mo kay Celtic, eh, lalaki ‘yon?”
“Armani, huwag mong maliitin ang babaing aswang. Kapag kami’y hinamon, hindi rin naman kami madaling matalo.”
“Bakit ba galit na galit siya sa akin? Gusto ba niya akong kainin?”
Hindi kaagad nakasagot si Avia, tinantiya muna si Armani.
“Kasi, Armani ...”
“May gusto nga siguro siya sa ‘yo.”
Tumango si Avia. “Noon pa. Bago ako umalis para mag-aral sa Maynila.”
“Hindi ko siya masisisi. Napakaganda mo naman kasi talaga.”
“Hindi siya ang mahal ko. Ang puso ko ay talagang pumili ng isang taong tulad mo. At wala akong magawa doon. Tagasunod lang naman sa puso ... kahit pa aswang. Sobra kitang love, Armani. Handa akong maging tao kung kinakailangan. Itutuloy