Kung mahilig kayo sa green salad, siguradong mayroon itong dahon ng lettuce. Ang lettuce rin ay masarap ilagay sa tuna sandwich, chicken sandwich, o kahit pa burger. Hindi lang ito pampaganda dahil sa kulay nitong berde kundi mas magiging masustansya pa ang inyong pagkain.
Pero naranasan n’yo na ba ang malantaan kaagad ng lettuce kapag inilagay na ito sa refrigerator? Naku, kung ilang beses n’yo na itong naranasan ay sigruadong may mali sa inyong ginagawa.
Isa sa mga nagiging sanhi ng mabilis na pagkalanta ng lettuce ay dahil nag-a-absorb ito ng moisture. Kapag nabasa na ang lettuce siguradong mabilis na itong malalanta at lalambot.
Pero may tip tayo para sa mas matagal na pagkalanta ng lettuce. Una, siguruhing tuyo ang mga ito bago ilagay sa isang container, punasan ng paper towel ang dahon ng lettuce. Ayusin ito sa lalagyan at patungan ng paper towel, oo tissue nga, sa ibabaw nito at saka selyahan ng plastic wrap. Magugulat kayo na maaaring magtagal hanggang isang linggo ang lettuce na inyong pinamili. Hindi na rin masasayang ang pera ninyo sa pagkamahal-mahal na gulay na ito.
Ngayong alam n’yo na ang tip para mas mapatagal ang buhay ng lettuce, maaari na kayong mag-salad o gumawa ng masustansyang sandwich araw-araw. Hindi na hassle ang pagpabalik-balik pa sa grocery para bumili ng lettuce. Burp!