Famous Bowl ng KFC Grabe Makabusog

Tulad ng tatay ko, nakagawian ko na rin ang kumain ng hinahalo ang ulam at kanin. Nu’ng bata pa kami, tuwing nakikita ko siyang kumain eh pinaghahalu-halo niya ang kanyang ulam at kanin.

Noong una ay nandidiri pa ako sa ginagawa niya. Para kasing kaning baboy na ang hitsura nito. Pero nang masubukan ko, eh hindi ko na rin ito mapigilan minsan. Nakakabigla pero masarap naman kasi at masusukat mo pa kung sakto lang ang ulam mo sa kanin. At ‘pag pinaghalu-halo ay hindi ka na rin magpipigil para isakto ang ulam mo sa kanin. Oh, ‘wag n’yo sabihing ni minsan ay hindi n’yo nasubukang ubusin ang inyong ulam at kanin nang sabay. Nakakabaliw kung may matitira kang kanin o ulam, ‘di ba?

Pero tuloy na tayo sa pagkaing rerebyuhin natin ngayon. May bago na namang nasa menu ang KFC, ito ang tinatawag nilang “Famous Bowl”. Kumbinasyon ito ng creamy mashed potatoes, bite-sized chicken nuggets, keso, at gravy.

Sa halagang P50, hindi ka lang mag-i-enjoy, mabubusog ka pa dahil kahit ala carte lang at maliit ang bowl, eh solb na solb ka na.

Ang nasa pinakailalim na parte ay mashed potatoes na sobrang creamy. Nakapatong naman dito ang layer ng chicken bits, na may sweet corn at shredded cheddar cheese yata. Nakapagtataka lang na ang order ko ay walang gravy. Ako pa mismo ang naglagay ng gravy mula sa kanilang condiments area. Medyo hindi ko nagustuhan ang ganitong konsepto, dahil iba ang lasa ng gravy nila na nakalabas kaysa ‘yung galing sa kusina nila.

Sobrang creamy ng mashed potatoes na tamang-tama lang ang texture. Ang chicken bits naman ay hindi matigas, sobrang lambot pa nito na siyang plus points sa kanila. Medyo kaunti naman at mabibilang lang ang piraso ng sweet corn.

Pero ang overall na lasa nito ay swak na swak! Hindi lang maganda ang presentation ng tinagurian pa namang Famous Bowl. Dapat i-improve nila ang plating kahit pa sabihing fast food sila. Subukan n’yo minsan ang bago sa KFC nang malaman n’yo ang sinasabi ko. Buuuuurp! Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa burpnikoko@gmail.com.

Show comments