Dear Vanezza,
I’m Izza, 38, hiwalay po ako sa aking asawa at may tatlong anak. Nagkahiwalay kami ng aking mister dahil marami kaming hindi pinagkakasunduan. Nakilala ko sa pabrikang aking pinapasukan si Victor, 48, pamilyado rin siya. Naging magkaibigan kami at hindi namin namalayan na masyado na palang nagkalapit ang aming kalooban hanggang sa nagkaroon kami ng mutual understanding. Sinasabi ng isip ko na ayoko makipagrelasyon sa kanya dahil sa aming estado, ngunit ang emosyon at puso ko ay patuloy naman na gustong makipagrelasyon sa taong ito. Tulungan niyo po ako.
Dear Izza,
Mahirap ang iyong kalagayan dahil parehas kayong may pananagutan na. Inilagay ng Dios ang isip na mas mataas sa puso upang ito ang masunod sa oras na ikaw ay naguguluhan. Madali kasing madaya ang puso ng emosyon, ngunit kung ang paiiralin mo ay ang tamang takbo ng iyong pag-iisip, tiyak na hindi ka nito bibiguin sa pagkakaroon ng tamang desisyon. Tutal, wala rin naman patutunguhan ang ganyang relasyon at tiyak na sandali lang kayo magsasama sa masasayang “moment” ng inyong buhay at ang kasunod nito ay puro pasakit na. Magpakatatag ka.
Sumasainyo,
Vanezza