Grabe, apat na taon na pala sa business ang kainang rerebyuhin natin ngayon! Sayang at ngayon lang nalaman ng inyong lingkod ang Burrito Brothers na nasa Lilac st. sa lungsod ng Marikina. Nakikilala na rin ang Lilac st., dahil sa mga nagsusulputang maliliit na kainan dito. At isa nga ang Burrito Brothers sa mga pinagpipiyestahan ng mga foodie sa lugar.
Sa pangalan pa lang, malalaman mo nang Mexican ang inihahain nilang pagkain sa nasabing lugar. Bukod sa mura at masarap na burrito, isa sa mga nakaka-curios tikman sa menu ang chimichanga kung hindi ka masyadong pamilyar sa mga Mexican food.
Ang chimichanga ay isang uri ng Mexican dish na deep-fried burrito.
Hindi katakam-takam ang hitsura nito nang i-serve sa amin. Parang naalala ko ang beef feuillette ng Le Coeur de France. Medyo mamantika ang tortilla dahil nga deep-fried ito pero crunchy at very light ang lasa.
Pero nang hatiin ko na, makikitang ang palaman nito sa loob ay manok, bell peppers, sibuyas, mais, patatas, at may keso pa. Mapapa-wow ka agad sa unang tikim dahil sobrang malalasahan mo ang herbs na kanilang ginamit. Parang may lasang curry rin na isa sa mga paborito kong spices.
Fresh na fresh naman ang lasa ng kasamang homemade salsa. Parang may hint ng cilantro kaya kaya panalung-panalo ang lasa nito. Bagay na bagay sa cheesy-curry na lasa ng chimichanga. Sobrang nagku-complement ang kumbinasyon kaya mapapa isang round ka pa ng kanilang salsa.
Ang isang order nito ay nagkakahalaga lamang ng P105. Sulit na sulit kung tutuusin dahil hindi kayo mabibitin at siguradong masa-satisfy ang inyong Mexican cravings.
Kaya minsang magawi kayo sa Marikina, sa may bandang Lilac st., subukan n’yo ang chimichanga ng Burrito Brothers at siguradong hindi kayo magsisisi. Burp!
* * *
Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa burpnikoko@gmail.com.