NANLAKI ang mga mata nina Miley sa mga uri ng undead soldiers na nakapalibot sa kanila.
“Saan galing ang mga higanteng sundalong undead na ‘to?”
“Miley, parang magic lang na sumulpot sila dito!”
“Ang magic ni Reyna Coreana! Tiyak na galing ito sa maitim niyang kapangyarihan!”
“Sigurado! Kanino pa ba nanggaling ang mga ‘yan? Ano ang gagawin natin, Miley? Kalahati lang tayo, ang kalahati ay gumagawa ng mga balsa sa dagat!”
“Naniniwala akong kaya pa ring patayin ang mga ‘yan ng katas ng mahiwagang tanim! Kaya tuloy ang laban!”
“Oo nga pala, ano’ng gagawin mo diyan kay Blizzard? Wala pa ring malay! Alam naman naming hindi mo siya kayang patayin, Miley!”
“Diyan lang siya. Hanggang sa magkamalay. Ang sugat naman niya mababaw lang. Laban naaa! Batuhin ang mga higanteeng undead ng mga katas!”
Ganoon nga ang ginawa nina Miley.
“Nakita n’yo ‘yan? Natumba sila, nangisay!” Tuwang-tuwa si Miley, nananalo na sila sa laban.
Paubos na ang mga higanteng undead.
Pero kung kailan ubos na, meron na namang mga sumulpot. Mas marami.
“Miley, meron na naman!”
“At galing na naman sa magic ni Reyna Coreana!”
TAWA nang tawa si Reyna Coreana habang nakatingin sa kanyang mahiwagang salamin.
Doon niya nakikita ang mga nangyayari sa labas.
“Hahahahaaa! Napatay nga nila ang limampu eh, may pumalit naman na pitumpo!”
Tuwang-tuwa naman ang mga ordinaryong undead, ang mga hindi higante.
“Ang dali lang naman pala nilang talunin, Mahal na Reyna. Mapapagod sila sa kababato, kasisibat, katatakbo … samantalang kayo naman ay hindi mauubusan ng mga higanteng undead soldiers! Ang galiiiing!”
Sarkastiko si Reyna Miley/Reyna Coreana. “At habang kayo ay enjoy lang na nanonood, ano? Hindi na kayo lumalaban! Hindi na kayo nagtatrabaho!”
Biglang kumumpas ang reyna ng kasamaan. Nagbato ng power sa kanyang mga ordinaryong sundalong undead.
“Maging mga nakakatakot na kabayo kayooo!”
Pagod na pagod na sina Miley pero pagkatapos ng mga higanteng undead, mga pagkapapangit na mga kabayo naman ang nasa kanilang harapan. Itutuloy