Island of the undead 115

HINARAP ni Miley si Doktor Larry. “Dok, so okay, hindi ka makapagsalita at ganyan na ang itsura mo … pero naiintindihan mo ba kami?”

Tumango ang doktor.

Natuwa sina Miley, napapalakpak si Doktora Joanne.

“Kung ganoon, magkakaroon pa rin pala tayo kahit papaano ng form of communication. At makakatulong po ‘yan sa atin. Kami na lang ang mag-iisip ng itatanong po, Dok. Tango at iling lang ang gawin n’yo, okay po ba?”

Tumango naman ang doktor na naging undead.

“Yes! Now, Dok … naging successful po ba ang operas­yon ninyo? Naging kamukha ko uli si Reyna Coreana?”

Umiling ang undead na doktor.

Nakahinga nang maluwag si Miley. “Naku, sala- mat naman po. So tumakas po kayo?”

Tumango uli ang doktor.

“Pero naparusahan po muna kayo bago kayo nakatakas?” Tanong na naman ni Miley.

“Dok, malakas pa ba ang reyna?” Si Lorenz naman ang nagtanong.

Tango na naman ang doktor.

“Doktor Larry, naaalala n’yo po ba ang mga tanim na may katas na napakabango, bumabalot sa paligid?”

Tumango ang doktor, nakinig nang husto sa mga sinasabi ni Miley.

“Dok, sumugod na sana kami sa kuta ng reyna. Harapan na talaga ang gusto naming pakikipagsagupa sa kanya. Dala namin ang mga parehong-parehong tanim. Ipanlalaban namin. At noong makaharap namin ang mga undead soldiers, pinisa namin ang mga tanim, pinagbabato namin sila … pero hindi po sila bumagsak. Lalo pong hindi namatay.”

Walang maisagot doon ang doktor.

Ipinakita ni Miley ang mga tanim na bumigo sa kanila. “Heto po, Dok. Titigan ninyo. Amuyin ninyo. Hindi po ba parehong-pareho naman. Iyan na lang po ang natira. Dahil noong hindi umepekto, tinapon na lang namin ‘yung mga hawak pa namin.”

Inamoy naman ng undead na doktor ang tanim na hawak ni Miley.

“Hindi po ba, parehong-pareho naman?”

Umiling ang doktor.

“Ay, hindi ho? May naamoy kayong kaibahan?”

Umiling naman ang doktor. Lalo lang tuloy nalito si Miley. Nagdududa na sa katinuan ng doktor na naging undead. Baka kasi ang utak nito ay gutay-gutay na rin.

ITUTULOY

Show comments