1 - Tanggihan sila paminsan-minsan lalo na kung ang hinihiling nila ay hindi naman “a matter of life and death,” meaning, walang mangyayaring masama kahit hindi mo ibinigay ang hinihingi nila.
2 - Kapag magsasagawa ng charity, halimbawa ay magbibigay ng donasyon sa flood victims, isali ang mga anak sa pag-iimpake ng damit at mga pagkain. Sa ilalim ng iyong guidance, hayaan mong sila ang pumili kung ano sa mga gamit nila ang nais nilang isama sa donasyon. At gawin ang charity nang regular.
3 - Maging mapagmasid kung sino ang kanilang kabarkada. Pasimpleng kilalanin ang mga ito. Importanteng malaman mo kung anong klaseng mga bata ang binabarkada ng iyong anak. Mawawalan ng kuwenta ang iyong pagsisikap na mapalaki sila nang maayos kung masasamang bata ang binabarkada nila sa labas ng inyong tahanan.
4 - Sanayin ang mga batang magsalita ng “thank you” kahit sa kaliit-liitang pabor na ginawa para sa kanila. Kahit pa yaya or maid ninyo ang gumawa ng pabor na iyon. Ang ugaling ito ang aakay sa kanila tungo sa magandang pakikisama sa kapwa.
5-Huwag kaagad sasaklolo sa bawat pagdapa niya. Mga simpleng pagdapa ang ating pinag-uusapan at walang serious injury na nangyari. Medyo patagalin nang kaunti, bago siya saklolohan tumayo. Isang maliit na hakbang ito para turuan siyang maging independent. Iwasang magsalita ng “okey lang” dahil hindi naman talaga okey na madapa. Basta’t yakapin mo siya at halikan ang parte ng katawan na nasaktan sabay sabing, “mamaya lang, matatanggal na ang sakit n’yan.”
6 - Huwag sanayin na bilhan sila ng maraming laruan kahit mayaman kayo. Isa-isa lang at tuwing may espesyal na okasyon. Kung lagi mo silang tatambakan ng mga bagay na gusto nila, hindi na sila masasabik sa iba mo pang gagawin sa kanila. Dahil sinagad mo na ang pagbibigay ng mga kapritso nila, hindi na sila matsa-challenge na magsikap. Bakit nga ba, eh, bumabagsak na lang sa harapan nila ang grasya nang nakaupo lang sila.
*Dalawang menu lang ang inihahain sa akin ni Nanay sa hapag kainan noong bata pa ako: Kumain ka (kahit hindi ko type ang ulam) o magutom ka. Ito ang nagturo sa akin para maging matalino sa pagdedesisyon sa buhay.