Dahil sa “bundok” (Antipolo, Rizal he he he) ako lumaki, noong makatuntong ako sa kolehiyo ay saka pa lang ako nakatikim ng kung anu-ano’ng pagkain. Dahil ekswela-bahay lang naman ako noong high school at de-serbis pa, wala akong panahon na gumala sa mga mall at ma-explore ang kung anumang mga nasa uso.
College na yata noong una akong makatikim ng sans rival. At dahil sosyal na sosyal ang pangalan ay aakalain mong hindi ito isang Pinoy dessert. Ang karaniwang sans rival ay gawa sa layers ng buttercream, meringue, at kasoy. Talaga namang nakakaalis ng stress at enjoy kainin ang sans rival.
May nadiskubre kami ng aking “partner in crime” sa paglamon ng masarap na bersyon nito. Nakilala at nagsimula taong 2004 ang Tsoko. Nut Batirol bilang pinakaunang lokal na Tsokolate Cafe sa ‘Pinas. Subukan n’yo ang kanilang hot tsokolate na gawa sa tablea at siguradong babalik ang memories ng kabataan n’yo! Mga panahong tinitimplahan kayo ng inyong mga lola (sa kaso ko, tiya) ng mainit na tsokolate mula sa cacao balls tuwing umaaga! Ay, kasarap!
Pero balik tayo sa kanilang bersyon ng sans rival. Nakaisip siguro silang pagsamahin ang linamnam ng yema at sarap ng sans rival kaya nakabuo sila ng yema sans rival na nagkakahalaga lang ng P80 kada slice. Hindi mo mamaliitin ang isang slice nito dahil maaari itong pangdalawang tao.
Hindi buttercream kundi yema ang ginamit nila kung saan may apat na layers nito at ng meringue at nuts. May caramel sauce pa na hindi masyadong matamis at nakakaumay. Hindi tinipid ang yema dahil makapal at sobrang nagku-compliment sa lasa ng meringue at kasoy/mani. Talagang mapapapikit ka sa bawat subo ng yema sans rival nila, huh!
Walang umay factor dahil hindi nga masyadong matamis ar siguradong magugustuhan ‘to ng mga mahilig sa hindi masyadong matatamis na dessert. Mas matamis pa nga ang order kong tsoko loko drink, eh.
Ang overall experience ko sa yema sans rival ng Tsoko. Nut Batirol ay hindi matatawaran. Isa ito sa siguradong babalik-balikan ko sakaling magawi uli sa SM Makati branch nila na matatagpuan sa 2nd floor. May iba pa silang branches sa RCBC Plaza, Ayala Ave., Podium 3, The Eastwood Excelcior, Worldwide Corporate Center, Shaw Blvd., SM Cubao, Cyberzone, F@stBytes Alabang, Z Square Banawe Ave., Quezon City, at SM Fairview.
Kaya naman ang rating ng kanilang yema sans rival ay 5 out of 5. Burp!