Island of the undead (79)

 TAKOT at pagkabigla ang nararamdaman ng tatlong normal na tao at taong aso. Agad yumakap si Miley kay Blizzard.

“Anong klaseng mga halimaw sila, Dok? Bakit puro tanim?” Nanginginig ang boses ni Miley.

“Hindi ko alam, Miley. Nakikita mo ba ang mga mukha?”

“Hindi po! Pati mga mukha nila may tanim!”

“Nabubuhay din ba  sa islang ito ang mga taong tanim? Baka naman dating mga normal na tao ‘yan tulad natin na ginawang mga taong tanim ni Reyna Coreana? Kung nakagawa siya ng asong tao kay Blizzard ... kaya rin siguro niyang gumawa ng mga taong tanim!”

“Dok, lumalapit na ho sila sa atin!” Panic na panic na si Miley.

“Tumakbo na tayo, iwan na ang mga kahoy! Lumabas na tayo sa gubat na ‘to! Joanne, halika na!”

“Blizzard, bilisan natin ang pagtakbo, ha? Huwag tayong maghiwalay!”

“Aww, aww!” Sabi naman ni Blizzard.

Sabay-sabay na humarap sa likuran nila ang grupo para tumakbo palayo pero nadismaya sila.

“Doktor Larry, napapaikutan pala nila tayo!”

“Lalaban na tayo, Miley!” At kumuha ng kahoy ang doctor.

Kumuha rin si Miley. Pati si Joanne, nakapag-isip na nang konti, gumaya rin sa pagkuha ng kahoy.

Si Blizzard, kahit puro pa dugo ang mga gilagid at ngipin, inilabas ang mga pangil ng aso.

“Awwwrrrrrr!” Pinabangis ng taong aso ang ungol niya.

Palapit nang palapit ang mga “taong tanim”. Paliit nang paliit ang bilog nila kung saan nasa gitna ang apat.

“Hataw na, Miley! Sa ulo mo tamaan!” Doktor man, sa harap ng panganib ay handa na ring pumatay.

Itinaas na ng tatlong tao ang mga pamukpok, handa nang manghataw. Si Blizzard naman ay bumubuwelo, tatalunin ang taong tanim na nasa kanyang tapat.

Nang halos sabay-sabay na nagtanggal ng mga tanim ang mga nilalang.

“Ha???” Napatanga na naman sina Miley.

Nakita na nila ang mga mukha. Nakita na rin nila na may katawan ang mga ito. Katawan ng tao. Mga normal na tao ang kaharap nila.

“Huwag! Hindi kami mga taong tanim! Mga totoong tao kami!”    ITUTULOY

 

Show comments