#Potty-Training

Kahit uso na noong 90’s ang disposable diapers, hindi ko ito magamit sa aking bunsong lalaki. Napansin ko na hindi siya umiihi kapag ito ang suot niya. Kaysa balisawsawin pa si Bunso, cloth diaper na ang ginamit ko sa kanya. Iyon nga lang, kaunting sakripisyo sa paggamit ng damit na lampin. Pagkatapos hubarin ang lampin na may ihi, ito ay sasabunin at babanlawan. Pagkatapos ay sasabunin ulit sa ikalawang pagkakataon at saka ikukula sa sinag ng araw. Pero kung tag-ulan, ibinababad na lang ito sa chlorox. Ganito ang aking ginagawa dahil white ang lampin ng aking anak at magiging kadiri kung magmumukhang yellowish ang white cloth.

Nagkataong noong panahong iyon ay nag-resign ang aking mister sa trabaho dahil kailangan niyang mag-concentrate sa pag-aaplay sa Saudi. Sa loob ng tatlong buwang pag-istambay niya sa bahay, ay sinanay niya ang aking bunso na noon ay nasa pagitan ng 14 to 20 months old, na magsabi sa kanya kapag nakaramdam na maiihi. Iyon ay para maiwasang magkalat ng ihi sa salas at para makatipid sa paglalaba ng lampin. Ang hirap kayang magkusot at magpaputi ng lampin !

Una, inobserbahan niya ang pagitan ng oras ng kan­yang pag-ihi. Nang ma-establish niya na umiihi pala ito tuwing ika-20-30 minuto, pinaaalalahanan niya si Bunso: Iihi ka na? Kapag tumango, bibitbitin niya ito sa toilet, tatanggalin ang lampin at saka paiihiin. Nang magtagal ay cotton shorts na lang ang isinusuot para mas convenient tanggalin kaysa lampin. Nagbunga naman ang pagtitiyaga ng ama dahil nang magtagal, si Bunso na mismo ang pumupunta sa toilet para umihi.

Naisip ko noon na mas maayos at nagiging “easy task”  ang pagpapalaki sa mga anak kung magkatuwang lagi ang mag-asawa. Isa ito sa mga bagay na kahit paulit-ulit kong i-play sa aking alaala ay nagdudulot ng ngiti sa aking mga labi.

Show comments