Dear Vanezza,
Tawagin na lang po ninyo akong Jan, 29 anyos. Dati po akong may ka-live-in. Nagkahiwalay kami dahil na rin sa problema sa pamilya ko. Sinisi ko ang aking magulang dahil sa nangyari at natimo sa isip ko ang poot at sugat ng damdamin. Puno sila ng payo sa akin pero hindi ko ito pinapansin. Hanggang magkaroon ng babae sa buhay ko. Ang akala ko siya na ang makakasama ko habambuhay. Pero ang buhay pala ay puno ng pagsubok at sinubok nga ako ng panahon. Nakulong ako at nawala sa buhay ko ang babaeng minamahal ko nang lubos. Pinilit kong kayanin ang lahat. Sabi ko sa sarili ko, darating din ang panahon na makakatagpo ako ng panibagong pagmamahal. Hindi nagtagal at nakakilala ako sa bilangguan ng babae na ang akala ko ay siyang gagamot sa sugat ng aking puso. Ibinuhos ko sa kanya ang lahat ng tiwala at pagmamahal. Ngunit hindi rin pala tatagal ang relasyon namin kaya naranasan ko uli ang mabigo. Bakit po kaya tila kay lupit sa akin ng tadhana? Hindi ko matagpuan ang tunay na pagmamahal.
Dear Jan,
Huwag mong sisihin ang iyong magulang kung nagkahiwalay man kayo ng iyong unang kinasama. Kaya marahil hindi mo mahanap ang wastong direksiyon ng buhay ay dahil hindi mo pa natututuhan ang magpatawad. Kung may kinikimkim ka laging sama ng loob, hindi mo matatagpuan ang kapayapaan ng damdamin at mananatiling makitid ang pananaw sa buhay. Kalimutan mo na ang mga babaeng minahal mo nang labis na umiwan sa’yo. Sadyang hindi sila para sa’yo. Lagi kang tumawag sa Panginoon, ihingi ng tawad ang mga pagkakamali at maling desisyon. Makikita mo, luluwag ang dibdib mo at magiging mapayapa ang pag-iisip. Matuto mo ring ihingi ng patawad ang sariling pagkukulang sa iyong mga magulang.
Sumasaiyo,
Vanezza