Ang mga Pinoy ay kilalang may sakit na one day millionaire syndrome na tipong uubusin ang suweldo sa maghapon o ilang araw lang pagkatapos ay nganga na dahil said na ang pera.
Ang masakit pa ay baon pa sa utang ang kawawang Pinoy. Wala namang masama na gumastos, kaso pagkatapos mong mag-shopping galore ay sagad na ang pera mo sa bulsa. Meron ka kasing iniisip na bale o cash advance sa opisina, may tatakbuhan kang mauutangan, o may darating ka pang suweldo.
Pero ang kulturang one day millionaire ng Pinoy ay hindi healthy sa ating pananalapi. Ang ganitong syndrome ay mapanganib sa ating pamilya dahil hahatakin tayo ng ganitong ugali sa kahirapan kung gastador o bulagsak tayo sa ating pera. Hindi naman agad-agad masusugpo ang ganitong nakasanayang syndrome.
Kaya kailangan mo rin mag-isip ng long term na plano kung paano mag-budget at kung paano dadagdagan ang kita mo para sa iyong gastusin. Higit sa lahat matutong mag-ipon ng pera, kahit magkano pa ang iyong sinusuweldo. Ang mahalaga ay matutong magtabi ng pera at simulan ang habit of savings mula sa iyong kinikita.