Dear Vanezza,
Ako po si “Ayana”, 45 yrs. old at dalaga pa rin. May naging bf po ako na nakilala ko nung magtrabaho ako sa Japan. Balo siya at may mga anak na malalaki na rin. Mabait siya at maalalahanin kaya nahulog ang loob ko sa kanya. Nang matapos ang kontrata ko at bumalik ako ng Pilipinas ay siya ang gumastos para muli akong makabalik sa Japan. Ipinasok niya ako sa kanyang pinapasukan at doon ay nag-live-in kami. Nabuntis ako pero hindi rin nabuo dahil inoperahan ako sa matris. Sa kabila nito ay hindi ako pinabayaan ng bf ko. Ni-raid ang kumpanyang pinapasukan niya at dahil overstaying siya kasama siya sa mga nadeport. Nag-decide na rin akong umuwi. Gusto na naming magpakasal, pero tutol ang kapatid ko sa aming relasyon. Pareho kaming walang trabaho at umaasa lang sa kaunting naipon. Ano ang gagawin ko?
Dear Ayana,
Hindi naman magastos ang simpleng kasal. Kahit sa huwes, ok na. Ang mahalaga, napatunayan ninyo na sa kabila ng lahat ay umabot kayo sa ganyang edad na nagmamahalan pa rin. Huwag mong intindihin ang kapatid mo dahil ang pagpapasya mo ay para sa sarili mong kaligayahan. Gamitin ninyo ang bahagi ng inyong ipon para sa isang negosyo na mapagkakasunduan ninyo. Nasubukan na ninyo ang isa’t isa kaya walang duda na perfect mate kayo.
Sumasaiyo,
Vanezza