Ang isyung pampamilya tulad ng tampuhan o pag-aaway minsan ng magkakapatid ang nagiging dahilan kaya nagkakalayu-layo sila, pisikal man o emosyunal. Ito rin ang dahilan ng pagkakaroon ng pagkakahati-hati ng pamilya at nagdudulot ng lungkot sa bawat miyembro nito. Bakit nga ba? May mga okasyon na kailangan na mabuo ang isang pamilya, ngunit hindi ito nangyayari dahil minsan ang panganay ang hindi sisipot sa isang okasyon dahil ayaw makita si bunso. Mahirap din ang ganitong sitwasyon lalo na sa mga magulang ng magkakapatid na magkakaaway. Dumarating pa ang panahon na kahit kaarawan ng kanilang magulang ay natitikis nila, huwag lang magkita ang bawat isa. May kasabihan ang mga matatanda na mas mabuti pa raw na ibang tao ang iyong makaaway, ‘wag lang ang iyong sariling kapatid dahil mas mahirap mo itong makausap o makabati muli. Narito ang ilang paraan paano mo muling makakabati ang iyong kapatid.
Magsulat – Isulat mo lahat ng mga bagay na nagdudulot sa ’yo ng galit at sama ng loob sa iyong kapatid na siyang nagiging dahilan para hindi ka makipagbati sa kanya. Matapos mong isulat ang lahat ng negatibong emosyon mo sa iyong kapatid, sunugin mo ang papel na iyong pinagsulatan. Huwag mo na dapat pang ipabasa ang iyong isinulat sa iba mo pang kapatid para maiwasan na magkaroon ng iba pang problema.
Maging open sa pakikipagbati – Kung bukas ka sa pakikipag-ayos at pagpapatawad, walang ibang magiging dahilan para hindi kayo magkabati ng iyong kapatid. Ngunit kung isinara mo na ang iyong pintuan para sa kanya, posibleng kamatayan n’yo na ang inyong naging problema o away.