Tsinatsansingan ng ka-live in ng ina

Dear Vanezza,

Ang problema ko po ay tungkol sa kinakasama ng nanay ko. May isang taon mahigit pa lang namamatay ang tatay ko. Napansin ko po na palagi niya akong tinitignan ng makahulugan at malisyoso. Noong una po hindi ko ito pinapansin. Pero nito pong mga nakaraang mga araw tsinatsansingan na niya ako. Kunwari hindi niya ako nakikita tapos babanggain niya ako sabay siko sa dibdib ko. Tatlong beses na po niya itong ginawa sa akin. Natatakot ako kasi minsan wala ang nanay ko nasa palengke at kami lang ang naiiwan sa bahay. Ano po ba ang mabuti kong gawin? - Mayet

Dear Mayet,

Isumbong mo siya sa nanay mo. Kung sa kanya pa kakampi ang iyong ina, magsumbong ka sa malapit mong kamag-anak. Pansamantala, umiwas ka sa mga pagkakataong kayo lang ang naiiwan sa bahay. Kapag inulit pa niya ang pagtsansing sa iyo, magsumbong ka sa barangay at ipa-blotter mo ang pangmomolestiyang ginagawa niya. I’m sure tutulungan ka ng inyong kapitan para matigil na sa kanyang kalokohan ang iyong manyak na amain.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments