Alam naman nating lahat ang gamit ng dental floss. Ginagamit ito sa pagtanggal ng nakasiksik na dumi sa gilid ng mga ngipin na hindi kayang tanggalin ng normal na pagsisipilyo. Pero alam n’yo ba na ang mala-sinulid na panlinis ng ngipin ay may dalang “magic” sa ating mga kusina? Oo magic sa kusina!
Hindi ba’t nakakainis kapag dumidikit sa bread knife ang hinihiwa mong cake? Bukod sa pagdikit, nasisira pa ang pinakaiingat-ingatan mo minsang mamahaling cake na gusto mo pa sanang kunan ng litrato para i-post sa social media. Eh, naranasan mo na bang maghiwa ng keso at nagkakadurug-durog ito lalo na ‘pag malambot na? Kadalasang dumidikit din kasi ang keso sa kutsilyong pinanghihiwa.
Pero huwag nang mag-alala, dahil ang “magic” na handog ng dental floss ay siguradong makapagbibigay na ng ngiti sa inyong mga labi. Kumuha lang ng sapat na haba ng dental floss at ipanghiwa ito sa cake, maaari rin itong gamitin sa keso.
Gumamit lamang ng floss na walang flavor para hindi makaapekto sa lasa ng inyong hihiwain. Sa ganitong paraan, siguradong magiging kasing-ganda na ng mga nakahiwang cake at keso sa TV commercials, posters, at cook books ang inyong ihahain.
Hindi ka na mahihi-yang ipresenta sa handaan o kahit sa hapag-kainan kasalo ang iyong pamilya dahil maganda at perpekto ang pagkakahiwa ng cake at keso n’yo. Siguradong mai-enjoy na ng lahat, lalo na ang mahihilig kumuha ng litrato ng pagkain.
Oh, hinay-hinay lang sa matamis, ha? Dahil baka sakit na diabetis naman ang problemahin n’yo. Burp!