HALOS malapnos ang balat nina Miley at Blizzard habang walang tigil sa pagsagwan gamit ang mga kamay, sakay ng balsang gawa sa buwal na puno ng mga saging.
“Kapag nasa gitna na tayo ng dagat, hindi na tayo maaabot ng kapangyarihan ng reyna ng Dead Island!” Madiin ang pahayag ni Miley. Halos nasa gitna na sila ng karagatang iyon.
“Kung gano’n, mas bilisan pa natin ang pagsagwan!” sigaw ni Blizzard. Malakas na mainit ang simoy ng hangin.
Iyon mismo ang ginawa ng young lovers. Kinalimutan muna ang sumasagad na pagod.
Bale ba ay sumisingit ang kanilang uhaw at gutom.
Sa Island of the Undead ay kulang sila sa pagkain at tubig. “Gutum na g-gutom na ako, Miley... I’m sure ikaw din.”
Tumango ang dalaga. “Nahihilo na nga ako sa magkasabay na gutom at uhaw, Blizzard.”
Umiiyak na ang dalaga. Sa bihirang pagkakataon ay nais sumuko ng kanyang katawan.
SA UNDEAD Island, biglang umalarma ang bolang kristal ni Reyna Coreana. Patay-sindi iyon.
Tumingin agad doon ang super-pangit na reyna ng mga Undead.
Saka lamang nalaman na nakatakas na pala ang dalawang bihag na tao.
“Syet! Napaglalangan na naman tayo! Mga inutil kayong tauhan kooo!” Namumula sa tindi ng galit ang reyna.
“Ihuli ako ng dalawang ipis, ‘yung malalaki at buhay, ngayundin!”
Mabilis namang nasunod ang utos nito. Noon din ay binugahan ng hangin ang dalawang ipis.
Lumobo ang mga ito sa laki, naging mga higanteng ipis na mahahaba ang mga antena.
“Sundan n’yo sa dagat ang dalawang takas! Ibalik agad dito sa isla! Bilisan ninyooo!” utos nito sa dalawang ipis.
SA BALSA, si Blizzard ang agad nakapansin sa papalapit na panganib. “Oh my God, Miley...” (Itutuloy)