Karaniwan na sa bata ang pagkahilig nito sa pet o alagang hayop. Kaya lang minsan ang mga magulang lalo na ang mga mommies ay hindi sila pinapayagan mag-alaga ng anumang hayop dahil sa pangambang maaaring magkaroon ng aksidente o mga bagay na hindi inaasahan habang nag-aalaga ang mga bata ng hayop gaya ng makagat sila o mahawahan ng kung anong sakit mula sa hayop. Ngunit may pagkakataon naman na hindi mo mapigilan ang bata na gawin ito. Kaya para magkasundo na lang kayo ng iyong anak, dapat na bigyan na lang siya ng mga tips na dapat niyang tandaan gaya ng mga sumusunod:
Alagaan ang “pet” o hayop sa tamang paraan – Maraming bata ang kadalasang nakakagat ng kanilang alagang hayop sa loob mismo ng kanilang bahay, particular na kung aso ang inyong pet. Pero kung tuturuan mo siya paano makikisalamuha at aalagaan ang ganitong uri ng hayop, tiyak na magiging ligtas siya sa anumang oras. Bago mo ipagkatiwala ang aso sa iyong anak ipakita mo muna sa kanya kung paano hahawakan, tatalian, pakakainin, bibigyan ng tubig ang aso. Bilinan din ang bata na hindi dapat hinahawakan ang ganitong uri ng hayop sa ulo, buntot, at bibig. Hindi rin dapat na hinihila ang anumang hayop sa anumang bahagi ng katawan nito, lalo na sa tenga at buntot. Dapat din na alam ng iyong anak ang ugali ng inyong aso. Halimbawa, ang masayang aso ay makikita mong sumasayaw ang kanyang buntot. Dapat mo naman layuan ang isang aso kung makikitang umuungol, nagngangalit ang ngipin, kumakahol habang nakaatras at nakataas ang lahat ng balahibo nito. Indikasyon kasi ito na ang aso ay handang umatake.