Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa alyas Coco, 43 years old at hiwalay sa asawa may 2 taon na ngayon. Nagalit ako sa kanya dahil mas inaasikaso niya ang mga kaanak niya. Hindi naman sa nagmamaramot ako pero sobra ang pagbibigay niya sa mga kamag-anak niya na humihingi ng tulong. Tatlong pamangkin niya ang pinag-aaral niya sa perang kinikita ko. Madalas napagkakaitan ang aming kaisa-isang anak dahil ang para sa kanya’y napupunta pa sa mga kamag-anak ng misis ko. Dahil diyan kaya lumayo ako at nagpunta sa Davao at doon nagtrabaho. Nagkaroon ako doon ng ka-live-in, pero dumating ang panahong hinahanap-hanap ko ang misis ko. Iniwanan ko ang kalive-in ko at nagbalik sa Maynila. Pero laking panlulumo ko nang malaman kong may kinakasama na siyang iba. Iniisip ko ngayon na magdemanda. Tama ba ang gagawin ko?
Dear Coco,
Una sa lahat, ikaw ang unang nangaliwa kaya kung magdedemanda ka sa misis mo, may karapatan din siyang idemanda ka. Pero kung gusto mong kasuhan siya, pwede naman. That’s adultery. Pero ang ginawa mo naman ay concubinage na may katapat ding parusa sa ating batas. Subukan mong kausapin ang iyong misis at humingi ng tawad sa iyong paglayo. Kumbinsihin mo siyang makipagbalikan sa’yo kung yun ang nais mo. Suyuin mo siya at ipakita ang iyong pagsisisi. Kung tanggihan ka niya, wala kang magagawa kundi tanggapin ito. Kung minsan ang pabigla-biglang desisyon sa buhay ay nagdudulot ng mga bagay na panghabambuhay nating pagsisisihan. Sana’y naging aral sa’yo ang nangyari.
Sumasaiyo,
Vanezza