Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Mercy, 50 years old at dalaga pa. Hindi ako nakapag-asawa. Nung 20 years old ako, nagkaroon ako ng bf pero napikot siya. Magmula noon ay hindi na ‘ko umibig muli. Nagnegosyo na lang ako ng buy and sell at nagpapautang din sa palengke para mabuhay. May dalawa akong pamangkin na pinag-aaral ko. May nanliligaw sa akin ngayon. Isa siya sa mga pinauutang ko at may grocery at tindahan ng bigas. Biyudo na siya, 48 anyos at may isang anak. Tingin ko’y seryoso naman siya sa akin. Nararamdaman ko ring mahal ko siya. Tama bang umibig akong muli?
Dear Mercy,
Sa iyong edad ay alam mo na ang tama at mali at kung ano ang makabubuti sa iyo. Walang masamang umibig. Ang pag-ibig ay damdaming sumisibol sa puso. Pero hindi lang puso ang dapat magdikta kundi pati ang isip. Ang puso ay mandaraya kung minsan kaya dapat kang maging matalino. Kilatisin mong mabuti ang nanliligaw sa iyo. Baka pera lang ang habol. Wika nga, mabuti na ang naniniguro. Gaano mo na ba siya katagal nakikilala? Nasa sa iyo ang pinal na desisyon. Kung sa palagay mo mabuti siyang tao at karapat-dapat sa iyong puso, tanggapin mo siya. Mahirap din naman ang nabubuhay ng walang katuwang.
Sumasaiyo,
Vanezza