Dear Vanezza,
Isa po akong nurse sa isang private hospital. May naging pasyente po ako na lalaki na kinahulugan ko ng loob. Naoperahan siya sa gall bladder. Guwapo siya at mabait. Naging malapit kami at bago siya lumabas ng ospital, nangako siya na babalikan ako para yayaing kumain sa labas bilang pasasalamat sa mabuting pag-aasikaso ko sa kanya. Yun ang nangyari. Sa pangalawang pagkakataon na nag-date kami, ipinagtapat niya sa akin na may feelings din siya sa akin, pero magpapari na pala siya. Nalungkot ako sa una, pero mas nanaig ang paghanga ko sa kanya. Ipapanalangin daw niya na makatagpo ako ng lalaking tapat na magmamahal sa akin. Natupad ang sinabi niya. May dumating na bagong pag-ibig sa akin na siya ngayong ama ng akong dalawang anak. - Mika
Dear Mika,
Nakatutuwang mabatid na maligaya ka ngayon sa piling ng lalaking pinili marahil ng Diyos para mahalin ka sa tulong na rin ng nagpari mong kaibigan. Tama na hinintay mo ang tamang pag-ibig na kaloob ng Diyos. Sana magpatuloy ang walang kupas na pananalig mo sa kabutihan ng ating Panginoon na siyang tunay na nakakaalam ng ating magiging kapalaran. Sana’y may ma-inspire sa iyong love story.
Sumasaiyo,
Vanezza