Lapitin ka ba ng lamok?

Last part

Ito ay huling bahagi ng paksa ng kung anu-anong mga dahilan bakit ka nagiging lapitin ng lamok. Narito pa ang ilan:

Maglagay ng pabango/cologne – Minsan kapag hindi mo na kaya ang amoy ng iyong katawan, wala ka ng ibang gagawin kundi ang maghanap ng pabango at paliguan mo ang sarili mo nito. Pero, marami ang hindi nakakaalam na mas lalapitan at kakagatin ng lamok ang isang taong naliligo ng pabango.

Paggamit ng alpha hydroxy products – Ang lactic acid na natural na inilalabas ng katawan ng tao ay napakabango sa mga lamok. Kaya lang halos lahat ng mga beauty products ay nagtataglay nito. Kaya kung mapapansin mo, mas maraming babae ang nakakagat ng lamok. Kaya kung ang lotion o cream na ginagamit mo ay may mataas na taglay ng alpha hydroxyl, huwag ka ng magtaka na pinapapak ka ng lamok.

Maduming medyas – Base sa isang pag-aaral, gustong-gusto ng mga lamok ang amoy ng mabahong paa. Nag-eksperimento ang entomologist na si Daniel L. Kline, naglagay siya ng maduming medyas sa isang sulok ng bahay at sa loob ng tatlong araw ay nakita niyang pinagpipiyestahan ito ng  napakaraming lamok.

Palaging uminom ng alak – Kung mapapansin mo kapag ikaw ay nakikipag-inuman sa kalsada, mapapansin mong maraming lumilipad-lipad na lamok sa iyong mukha at katawan. Kapag sinabayan mo pa ito ng limburger cheese ay mas magiging masaya ang mga lamok sa iyong kapaligiran. Ang beer at limburger cheese ay binubuo rin kasi ng bacteria na nagdudulot para mangamoy ang iyong mga paa na siyang kukuha ng atensiyon ng mga lamok.

Show comments