SINASAMPAL-SAMPAL na nga ni Miggy si Tiya Pura, para ito hindi matuluyang mabaliw.
Naisiper na niyang muli sa loob ng makapal na jacket ang 99 halimaw na labis na kinatakutan ng tiyahin.
Tinitiis ng mabait na binata ang kagat at ngatngat ng mumunting halimaw, kahit pa siya na ang mabaliw-baliw.
Noon dumating ang sasakyan ng mga sekyu. Obvious na merong nakakita sa nangyayari sa magtiyahin.
“Kailangang maisugod sa ospital ‘tong tiyahin ko! Inatake siya sa puso!” report ni Miggy. Sumama na ang binata sa paghahatid sa tiyahin.
Mapunahin ang kasakay na sekyu. “Bossing, nilalagnat ba kayo? Ang kapal-kapal ng jacket n’yo kahit pagkainit-init ng araw...”
Napikon agad ang dating cool na binata. “Wala akong lagnat! Meron akong itinatago sa jacket ko na hindi mo nanaising makita!”
KATSAK-KATSAK. Nagkasa ng baril ang mga sekyu. Tinutukan si Miggy.
Tuluy-tuloy naman ang takbo ng sasakyan, ihahabol sa pagamutan ang pasyente.
Pero tuloy din ang pagsisiyasat kay Miggy. “Ewan namin kung super-yaman ka, bossing, kaya mayabang ka. Pero dito sa saskyan, kami ang boss! At deputized kaming manghuli ng lumalabag sa batas!”
Isang sekyu ang nagbukas sa siper ng jacket ni Miggy, buong akala ay nagtatago ito ng baril na walang lisensiya.
Hindi baril ang nakita nila sa loob ng suot na jacket ni Miggy.
Nag-igkasan agad ang mababagsik na mumunting halimaw. Natuklaw agad ang isang sekyu.
“Aaaaahh!” hiyaw nito, putlang-putla sa takot.
Pero buo ang loob ng iba pang sekyu. Tinutukan na ng baril ang mumunting halimaw.
Handa nang barilin ang mga halimaw ni Miggy.
Mahimala namang biglang natauhan si Tiya Pura, nakita ang panganib sa buhay ng pamangkin.
Pagkalakas-lakas na sumigaw. “HUWAAAGG!”
Nagulat pati driver, umese ang takbo ng sasakyan. (Itutuloy)