“PERO, Tiya Pura, kapag inilabas ko sa jacket ang mga halimaw, posibleng atakihin kayo sa puso—sa tindi ng takot...” paalala ni Miggy o Miguel.
Napalunok ang tiyahin. Tinantiya ang sarili. Kakayanin ba niya ang kagilagilalas na scenario?
Baka masahol pa iyon sa takot na inabot niya sa panonood kay Sadako ng Japanese movie?
“K-Kaya ko silang harapin, Miggy.” Humanda sa makikita si Tiya Pura.
Unti-unti nang binuksan ni Miggy ang black jacket na super-kapal. Nag-igkasan agad ang mga ulo ng 99 na lamang na mumunting halimaw.
Nanlaki ang mga mata ni Tiya Pura. Higit sa inasahan niya ang nasaksihang kababalaghan.
No, it was horror many times over. Nais na yatang magmaliw ang kanyang katinuan! Malapit na siyang mabaliw!
“Hi-hi-hi-hiii! Ya-ha-ha-ha-haaa!”
Nais magsisi ni Miggy. Sana ay nanindigan na lang siyang solohin ang pagdurusa sa 99 mumunting halimaw.
“Kapag natuluyang mabaliw ang tiyahin ko, diwatang hubad, lalo kitang susumpain! Hahabulin kita hanggang sa dulo ng mundo!”
Nang mga sandaling iyon, sa isang malaking bar sa Ermita, isang baklang impersonator ang umaawit ng kanta ni Ka Freddie Aguilar.
“Anuman ang mangyari, hindi kita iiwan... ipaglalaban ko ang pag-ibig mo... Ipaglalaban ko hanggang sa dulo ng mundo...ang ating pag-ibig, giliw ko.”
Tuwang-tuwa ang audience sa mahusay na impersonator. Hindi nagkait ng masigabong palakpakan. KLAP-KLAP-KLAP-KLAP.
PILIT pinapayapa ni Miggy ang mabaliw-baliw nang tiyahin. Muli niyang isiniper ang jacket.
Nakulong na naman sa makapal na jacket ang nagwawalang mga halimaw.
Pinapak na naman ng mga ito ang katawan ni Miggy. Kruuk-kriik-kruiikk-kik-kiik-kuukk.
“Tiya Pura, gising! Bawal kang mabaliw! Tiya Puraaa!” Sinasampal-sampal na ni Miggy sa magkabilang pisngi ang tiyahin. (Itutuloy)