Nababaliw ang mister?

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ang tunay kong pangalan. Ako’y 50 years old na sa Nobyembre. May asawa ako at 2 anak na lalaki na mga binata na. Sampung taon na mula ng nagkaroon ng kapansanan sa isip ang mister ko. Naging mapanganib siya dahil kung anu-ano ang nakikita. Kung minsan, kukuha na lang siya ng pamalo at hahatawin ang sahig dahil mayroon daw malaking ahas kahit wala naman. Madalas din nyang habulin ng kutsilyo ang mga anak ko. Sa gabi ay nagigising ako na nanlilisik ang kanyang mga mata at nakatingin sa akin. Sobra ang takot namin sa kanya kapag sinusumpong. Ang sabi sa akin ng doktor, hindi na raw babalik ang dating katinuan ng kanyang isip. Binigyan na lang siya ng gamot na iinumin niya habambuhay para maging normal ang takbo ng kanyang isip. Pero naging masungit naman siya at mas lumalala ang depresyon. May mga pagkakataong ayaw niyang uminom ng gamot at doon siya nagsimulang magwala. Dahil diyan ay ipinasya kong ipasok na lang siya sa Mental Hospital. Masama ang loob ng mga bi­yenan ko sa akin. Hindi ko raw dapat ginawa iyun. Mabuti na lang at nauunawaan ako ng aking mga anak. Ano ang gagawin ko para magkasundo kami ng aking mga biyenan?

Sagot:

Magpakatatag ka lang. Tama ang iyong desisyon dahil baka makapinsala ang iyong asawa kapag nawawala sa katinuan ang kanyang isip. Para rin sa kaligtasan ninyo ang iyong ginawa. Patuloy kang manalangin na maunawaan ka rin ng kanyang mga magulang. Hindi mo maiaalis sa kanila ang magdamdam dahil umiiral ang pagmamahal nila sa kanilang anak. Kaya tiisin mo na lang ang cold treatment ng in-laws mo. Ang mahalaga’y nauunawaan ka ng iyong mga anak.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments