Sandaang mumunting halimaw (19)

Hindi nakayanan  ng puso ng isang mabait na ina ang kagilagilalas na tanawin sa katawan  ng mabait-guwapong si Miggy.

Para itong nauupos na kandilang lumatag sa sahig na marmol.

Mabuti na lang at maagap na nasalo ito ng padre de pamilya, hindi naman bumagok ang ulo.

“Daddy, si Mommy po!” Natataranta si Miggy, hindi matatanggap kung mamamatay ang ina dahil sa kanya.

“Ako na’ng bahala sa mommy mo, Miguel. Control those demons of yours, anak”.

Nakahanda ang emergency kit, madali namang na-revive ang matandang babaing may sakit sa puso.

Nakatayo sa safe distance sa ina si Miggy.  “Mommy, sorry po. Dito ko naisip magpahatid... papatayin po ako ng mga tao sa labas...”

 Kahit papaano’y nakakabawi na sa sindak ang mabait na ina ni Miggy. “Anak ko, Miguel, b-bakit ka nagkaganyan?”

 “Iyan nga rin po ang tanong ko, Mommy —bakit pati ako ay nadamay sa sumpa ng babae sa batis?”

 “Merong babae sa batis, anak ...?”

 Minsan pang idinetalye ni Miggy ang mala-bangungot na istorya. Kung paanong ni-rape nina Max, Marko, Brendon at Primo ang napakagandang babae sa batis.

 “Bukod po sa binaboy nila ang kapurihan ng babae, pinatay pa nilang apat ang nobyo ng babae sa batis...

“Pero isinusumpa ko po sa Diyos, Mommy, hindi talaga ako nakisali sa rape at laluna sa pagpatay...” Dama ang sinseridad ni Miggy.

Napahagulhol na ang ina. “Miguel, anak, nais na nais kitang damayan, yakapin—pero paano ako makakalapit sa ‘yo, ganyang napaliligiran ka ng mga demonyo?”

 “M-Mumunting halimaw po a-ang tawag dito ng babae sa batis.  Isinumpa niya kami, na pahihirapan ng kanyang sandaang mumunting halimaw...”

 Lalo namang naguluhan ang mommy ni Miggy. “Kung nakakalikha ang babaing ‘yon ng maliliit na halimaw, bakit naman kaya hindi siya naging patas? Bakit pati ikaw ay pinarurusahan, anak?” (ITUTULOY)

Show comments