Sandaang mumunting halimaw (17)

DAHIL sa pagka­kagulo sa coach na kinaroroonan ni Miggy sa commuter train, nag-emergency stop ang tren.

Mabilis na inalam ng kinauukulan ang sanhi ng tilian at sigawan ng mga babaeng pasahero.

This time ay nakabulagta nang pataob si Miggy, umiiyak sa sakit at kirot na dulot ng sandaang halimaw. “HU-HU-HU-HUUU! BAKIT PATI AKO?”

“Ano raw?” tanong ng nag-iimbestiga sa mga nakapaligid.

“Bakit daw po pangit siya”.

“Hindi naman siya pangit, a. Ang guwapo nga...”

“Officer, huwag n’yong basta ititihaya!” babala ng mga babae. “Baka kayo makagat ng mga halimaw sa katawan niya!”

“Mga halimaw? As in...monsters?” takang pagklaro ng nag-iim­bestiga. Ihinanda nito ang service pistol.

“Sir, tumihaya nga po kayong dahan-da­han. Tutulungan namin kayo kung kailangan po”.

Unti-unti ngang ihinarap ni Miggy o Miguel ang katawan.

Napaurong ang imbestigador, gilalas na gilalas. “A-anak ng tipaklong ni Lolong! Panginoong Mahabagin!”

Nag-iigtaran at nagbabanta ng lagim ang mga halimaw, nakapagkit sa katawan ng binatang mabait at guwapo.

Maiingay ang mga ito. KIKIKIKKIAM! ZZZZIZIZUTTANGHONGPANSSITT! LAMBONGKIKIKIKK! TTUTTOYYPUTT!

Ikinasa ng imbestigador ang baril. KLAK.

Itinutok iyon sa mga halimaw habang tumatawag ng back-up. “Hindi kayo maniniwala pero totoo, guys!

“Mukhang sinalakay na tayo ng mga demonyo!”

SAMANTALA, sa hospital room na kinakukulungan ni Primo-- unti-unti nang umiikli ang pasensiya ng mga halimaw.

SSIBUBUTASS! CASSTATAYYUU!

Biglang nawasak ang pinto ng selyadong silid, parang tinadyakan ng napakalupit na higante. BLAGAAMM.

Nakalabas ng silid si Primo at ang mga halimaw sa katawan nito. Putlang-putla si Primo, alam na anumang sandali ay baka pagbabarilin na lang sila ng mga awtoridad. (Itutuloy)

Show comments