“ANAK ng tampuroroy!” manghang sabi ni Max nang makita na ang katawan ni Miggy. Pero ang kanyang pagkagulat ay merong kahalong tuwa.
Hindi humihinga sa sindak si Miggy, kamot pa rin nang kamot sa tiyan.
Sa mga sandaling ito ay nakita na rin nina Primo, Brendo at Marko ang katawan ni Miggy. Napapakamot sila sa batok, napapangisi.
Ngumisi na rin si Max. “Miggy, there are good news and bad news. Ang magandang balita, wala kang mumunting halimaw sa katawan, gaya naming apat, pare koy.
“Pero ang masamang balita --nilalanggam ka! Mapupulang langgam na super-kati at super-sakit mangagat! Killer ants!”
“Ho?” Nagtaka rin si Miggy. Nataranta.
“Magpagulung-gulong ka sa lupa, sa mga damo, Miggy! Daliii!” utos ni Max. Itinulak nila ang mabait na binata.
Sumunod naman sa instruction si Miggy. Paulit-ulit na nagpagulong-gulong sa damuhan ng bukid para mapagpag ang mga langgam.
Napagpag naman, ang mangilan-ngilang nasa damit ng binata ay pinalis na nila.
Nakita nila sa di-kalayuan ang sapa. Malinis ang mababaw nitong tubig.
“Miggy, suwerte mo! Lumublob ka agad d’un bago ka pa maunahan ng mga kalabaw!”
Tinakbo ni Miggy ang sapa, nag-dive agad doon. SPLAASSHH.
Lumikha ng malaking pusag sa tubig ang binata. Pero naginhawahan naman, nabawasan ang kati at nawala na ang mga langgam.
SA BATIS sa gubat, ang kabayo ni Eugenio ay niyakap at hinalikan ni Shirya nang maraming ulit.
Kasunod ay pinawalan na niya ang hayop. “Umuwi ka kina Eugenio! Pagpalain ka ng Langit!”
Sumagi sa isip ni Shirya ang mga mangangasong nanghalay sa kanya. Sumagad na naman ang galit ng diwata.
“Sa pagbibilog ng buwan bukas, tutubo na sa inyo ang sandaang mumunting halimaw,” bulong ni Shirya. (ITUTULOY)