SINAKOP ng napakasiglang pakiramdam si Avery. Feeling buhay na buhay siya. Hindi tulad ng dati na duda siya kung buhay o patay.
Dama niya ang tuwa, nais niyang mapatalon sa galak. Bawat himaymay ng katawan ni Avery ay nagsasabing siya ay BUHAY!
Biglang nakadama ng matinding gutom si Avery. Kailangan niyang kumain agad. Tinakbo niya ang musoleyo, naghanap ng anumang makakain sa ref.
Maraming ubas at mansanas; merong empanada at chicken sandwich. Buong kahayukang nilantakan niya ang mga pagkain.
Kagat. Nguya. Lulon. Inom ng tubig. Halos mabulunan si Avery.
Sa sandaling ito ay nalimutan ng dalaga si Russell; isa-satisfy muna ang sobrang gutom at uhaw na rin.
Mayamaya pa ay busog na busog na si Avery. Dumighay pa nga.
Saka lang muling naalala ang lalaking pinakamamahal. Si Russell. “Oh, God...ano na kaya ang sinapit niya? Baka siya naman ang namatay?”
Ngayon ba sila bibiruin ng kapalaran? Kung kailan dapat ay pareho na silang buhay ni Russell?
Sa sobrang ligalig ay napasigaw na si Avery, malakas na sigaw ng kawalang pag-asa. AAAHHH.
Naglakbay sa hangin ang sigaw, nabulabog ang mga maya sa punongkahoy—nagliparan.
Pero merong surpresa—biglang tumayo sa pagkakahiga sa ibabaw ng nitso ang manong sepulturero!
Manong, buhay ka! Purihin si Lord!” tuwang nasambit ni Avery.
“B-Bakit po, mam, muntik ba akong n-natepok?” takang tanong ng manong.
Niyakap ng dalaga ang manong. “Ga-hibla na lang po ang hininga ninyo kanina! Awang-awa ako, dasal ako nang dasal!”
“Kung gayo’y natulungan ako ng inyong dasal, mam. Nakinig sa inyo ang Diyos!”
Natigilan si Avery, may klarong napatunayan. “N-Nakikita n’yo ako, manong...”
“Opo naman, mam! Isa po kayong magandang babae!” (TATAPUSIN)