Kung tutuusin, kalahati ng buhay at oras mo ay nasa opisina kaya dapat lang na pungsuyin mo ang iyong workspace kagaya ng ginagawa mong pagpupungsuy sa iyong bahay. Narito ang guidelines kung paano pupungsuyin ang iyong personal space sa pinagtatrabahuhan para magkaroon ng career luck:
Huwag uupo nang nakatalikod sa entrance door at bintana. Piliin ang puwestong nakatalikod ka sa wall. Kung halimbawa’y nakatalikod sa bintana at wala nang paraan, isara ang bintana at lagyan ng Venetian blinds o makapal na kurtina. Magsabit ng painting/poster ng bundok sa likuran. Wala dapat na tubig o anumang body of water sa poster na isasabit sa wall.
Huwag uupo nang nakaharap sa wall. Ang resulta ng ganitong puwesto ay promotion na laging nabibitin dahil laging may hadlang. Kung wala ka nang pagpipilian, magsabit sa wall ng larawan ng open field scenery o picture ng phoenix para makontra ang negative effect.
Magdispley sa iyong mesa ng rooster figurine para maiwasan mo ang intriga o pamumulitika.
Iwasang may kaharap na kaopisina sa iyong kinauupuan. Ang sitting arrangement na magkakaharap ang empleyado ay lumilikha ng confrontational energies. Mas mabuti pa ang magkakatalikod kaysa magkakaharap.
Alisin ang kalat sa ibabaw ng mesa. Itapon na rin ang mga wala nang kuwentang papeles o anumang bagay na nagpapasikip ng iyong drawer.